Nagbanta na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., laban sa mga opisyal na umano’y sangkot sa nadiskubre nilang ghost flood control project sa Bulacan.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, galit sa nadiskubreng 'ghost project' sa Bulacan: 'I'm not disappointed, I'm very angry!'
Sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Agosto 20, 2025, iginiit ng Pangulo na maaaring makasuhan sa paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act ang mga opisyal na nakipagsabwatan umano sa mga kontraktor ng naturang project.
Hindi natin palalampasin ito. Sususpendihin at kakasuhan ang lahat ng opisyal na nag-authorize at nakipagsabwatan dito ng paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act at malversation of public funds through falsification of public documents,” anang Pangulo.
Saad pa ni PBBM, ipapa-blacklist din niya ang SYMS Construction Trading na humawak sa naturang ghost flood control sa Bulacan.
“Ang SYMS Construction Trading ay agad na iba-blacklist at haharap sa mga kaso sa ilalim ng Revised Penal Code at RA 3019. Hahanapin at sisiyasatin pa natin ang iba pa nilang proyekto,” anang Pangulo.
Hinikayat din ng Pangulo ang taumbayan na patuloy magpadala ng ulat sa website na kaniyang inilunsad kamakailan na tinawag na “Sumbong sa Pangulo,” hinggil sa mga mapapansin pa raw na anomalya sa flood control project sa kani-kanilang lugar.
“Ituloy ninyo ang pagpapadala ng inyong ulat sa sumbongsapangulo.ph. Sama-sama nating wawakasan ang katiwalian at sisiguraduhin na ang pera ng taumbayan ay napupunta sa proyektong para sa tao,” saad niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Sumbong sa Pangulo' flood control tracker, inilunsad ni PBBM: 'Ako mismo ang babasa!'