December 13, 2025

Home BALITA National

Palasyo sa mandatory drug testing na isinusulong ni Padilla: ‘Baka magsayang lang ng pondo!’

Palasyo sa mandatory drug testing na isinusulong ni Padilla: ‘Baka magsayang lang ng pondo!’
Photo courtesy: screengrab PCO/FB, via MB

May sagot ang Malacañang sa pagsusulong ni Sen. Robin Padilla ng mandatory drug testing para sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno.

Sa kaniyang press briefing nitong Miyerkules, Agosto 20, 2025, iginiit ni Palace Press Undersecretary Claire Castro na labag daw sa batas ang iminumungkahi ni Padilla.

“Sana po ay nabasa na niya ang desisyon ng Korte patungkol dito…Kung saan hindi po hinayaan at ito ay labag sa Konstitusyon at sa privacy kung lahat po.‘Pag sinabi po nating lahat, universal testing, mandatory universal testing or universal testing. Ang allowed lamang po ay ang random drug testing,” ani Castro.

Giit pa niya, baka raw magsayang lamang ng pondo at oras ang gobyerno kung ipipilit ni Padilla ang kaniyang panukala.

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

“So baka magsayang lamang po ng oras at pera, pondo si Sen. Robin Padilla. Aralin po muna n’ya po ang nais niyang gawing batas,” saad ni Castro.

Paglilinaw pa ni Castro, hindi raw niya sinasabing hindi pabor ang Palasyo sa nasabing panukala ni Padilla ngunit iginiit din niyang labag daw ito sa batas.

“Hindi ko sinasabing hindi pabor, ‘yan ay labag sa batas,” saad niya.

Matatandaang muling umingay ang pagsusulong ng mandatory drug testing sa mga opisyal ng pamahalaan matapos ang kontrobersyal na kinasangkutan ng opisina ni Padilla sa Senado matapos umanong mahuling gumagamit ng ilegal na marijuana ang staff niya at dating aktres na si Nadia Montenegro.

KAUGNAY NA BALITA: Vape lang? Nadia Montenegro, itinangging gumagamit ng marijuana sa Senado