Sumailalim sa appendectomy ang aktres at singer na si Maris Racal matapos siyang maoperahan para alisin ang kaniyang appendix.
Sa pamamagitan ng Instagram post, ibinahagi ni Maris ang kaniyang karanasan at nagpasalamat sa mga taong nagpakita ng pagmamahal at suporta sa kaniya.
"Congrats, it’s an appendix!" mababasa sa post ng "Sunshine" star.
"Thanks to everyone who sent their love, my cool surgeon and doctors, nurses, and hospital staff for taking vv good care of of me."
Nagbigay rin siya ng espesyal na pasasalamat sa kanyang nakababatang kapatid na nag-alaga sa kanya kahit mismong kaarawan nito.
Kasalukuyang nasa proseso pa ng paggaling si Maris ngunit nagbiro ito na muli siyang “rarampa” kapag tuluyang nakarekober.
Ang appendectomy ay isang uri ng operasyon kung saan inaalis ang appendix, isang maliit, ga-daliringhugis na organ na nakakabit sa malaking bituka sa kanang ibabang bahagi ng tiyan.
Kadalasan itong isinasagawa kapag ang appendix ay namamaga o naiimpeksiyon, na tinatawag na appendicitis. Ang appendicitis ay isang seryosong kondisyong maaaring magdulot ng matinding pananakit ng tiyan at komplikasyon gaya ng pagputok ng appendix kung hindi agad magagamot.
Si Maris Racal ay isa sa mga kilalang personalidad sa larangan ng telebisyon at musika, na patuloy na minamahal ng kaniyang mga tagahanga.