Nakatanggap ng komendasyon ang aktres na si Liza Soberano mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang kaugnay nitong ahensiya na Council for the Welfare of Children, sa inilabas nitong press release noong Martes, Agosto 19.
Ibinahagi ng DSWD ang pagpuri nito sa nasabing aktres matapos niyang matapang na ihayag ang kaniyang mga naging karanasan, na ang kuwento niyang ito ay makatutulong upang mabigyang-diin ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga kabataan.
Ayon pa kay DSWD spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao, hindi talaga madaling sabihin kung ano man ang karanasan ng isang tao sa kaniyang nakaraan, kung kaya’t nirerespeto nila ang mga taong gumagawa ng paraan upang makabangon muli mula sa problema.
“Speaking up about one’s past is never easy, especially for children who have gone through painful and traumatic experiences. It’s like revisiting wounds that haven’t fully healed. That’s why we deeply respect and value those who come forward despite the difficulty,” ani Dumlao.
“Their stories help open important conversations so that these experiences no longer define the lives of future generations of children,” dagdag pa nito.
Nagbigay din ng pahayag ang CWC kaugnay sa ginawang pagbabahagi ng aktres ng kaniyang pinagdaanan.
“Liza’s story reflects the painful reality that many Filipino children continue to face — growing up in environments that expose them to trauma, instability, and harm from those who are meant to nurture them,” anang CWC.
Idinagdag pa nila na walang bata ang dapat makaranas ng anumang uri ng paghihirap, kahit ano pang uri ng paghihirap.
“No child should endure physical, emotional, or psychological suffering at the hands of their own parents or guardians. It is a stark reminder of the urgent need to strengthen our protective mechanisms to ensure that every child grows up in a safe, loving, and supportive environment,” dagdag pa nila.
Ibinahagi rin ni Asst. Sec. Dumlao na ang hangarin nila ay mapabuti ang mga kabataan, kung kaya’t pati ang mga magulang ay tinutulungan nila upang malaman nila kung paano pangangalagaan at poprotektahan ang kanilang mga anak.
“In our mission to ensure that every child grows up with their best interests protected, we recognize the vital role of parents. At the DSWD, we implement the Parent Effectiveness Service (PES) to guide and support mothers and fathers as they embrace the lifelong commitment of parenthood,” aniya.
Samantala, DSWD din ang nag-oorganisa at humahawak ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps), na naglalayong patatagin ang samahan ng pamilya sa pamamagitan ng Family Development Sessions (FDS), kung saan sila ay binabahagian ng kaalaman kung paano pananatilihin ang maayos ang tahanan at sistema nito.
Ipinaalala rin ng ahensya na bukas sa anumang oras ang MAKABATA Helpline 1383 kung sakaling mayroong nabalitaang isyu ng child abuse, neglect, o diskriminasyon.
Matatandaang ibinahagi ni Liza sa isang episode ng podcast documentary na “Can I Come In?” ang kaniyang mga karanasan noong siya ay bata pa, na may kinalaman sa diskriminasyon at pang-aabuso sa kaniya,
Ayon sa aktres, ang kaniyang mga pinagdaanan ay siyang naghulma sa kanyang perspektibo sa buhay at ang nag-impluwensya sa kaniyang “journey” sa industriya.
MAKI-BALITA: Si Liza Soberano at kung paano siya minaltratong parang aso-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA