Nakompleto na ang 12 listahan ng pangalan ng mga senador na bubuo sa Commission on Appointments (CA) para sa ika-20 Kongreso noong Martes, Agosto 19.
Trabaho ng makapangyarihang CA, ayon sa ipinag-uutos ng Konstitusyon, na ipasa o hindi tanggapin ang mga itinatalaga ng Pangulo ng bansa sa mga politikal na posisyon.
Sina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Migz Zubiri, at Sen. Loren Legarda ang tatlong miyembro mula sa minority bloc ng Senado ang pumuno sa listahan ng CA na pangungunahan ni Sen. Chiz Escudero bilang ex-officio chairperson.
Matatandaang uminit ang tensyon sa pagitan nina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senate Minority Leader Tito Sotto III sa pagdinig sa Senado noong Lunes, Agosto 18.
Nagnomina si Sen. Villanueva ng sampung pangalan ng mga senador mula sa majority bloc ng Senado ngunit hindi naman ito sinang-ayunan ni Sen. Sotto.
Sa huli, naresolba ang pagtatalo sa pagdinig ng Senado nang bawiin ni Sen. Alan Peter Cayetano ang nominasyon sa kaniyang pangalan para maging miyembro ng CA.
Narito ang listahan ng bagong halal na mga miyembro ng Commission on Appointments para sa ika-20 na kongreso:
Mula sa Senate Majority Bloc:
Sen. Ronald dela Rosa
Sen. JV Ejercito
Sen. Jinggoy Estrada
Sen. Bong Go
Sen. Rodante Marcoleta
Sen. Imee Marcos
Sen. Raffy Tulfo
Sen. Joel Villanueva
Sen. Mark Villar
Mula sa Senate Minority Bloc:
Sen. Risa Hontiveros
Sen. Migz Zubiri
Sen. Loren Legarda
Mc Vincent Mirabuna/Balita