Isa si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. sa mga kilalang pigura sa kasaysayan ng Pilipinas. Higit dalawang dekada na ang nakakalipas simula nang paslangin siya. Ngunit patuloy pa rin siyang umiiral sa gunita ng marami.
Bilang isang senador ng 7th Congress, isa si Ninoy sa mga nangungunang kritiko ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Inaresto siya matapos ang deklarasyon ng batas militar noong 1972.
Kung ano-anong bintang at kaso ang ipinataw kay Ninoy. Murder, illegal possession of firearms, at subersyon.
At noon ngang Agosto 21, 1983, matapos ang tatlong taong pagkakatapon sa Amerika, umuwi siya ng Pilipinas at sinalubong ang kamatayan. Binaril ang dating senador sa Manila International Airport, na ngayon ay nakapangalan na sa kaniya.
Simula noon, unti-unting naglatang ang galit ng taumbayan hanggang sumiklab ang People Power na siyang nagpababa kay Marcos sa kapangyarihan.
Pero kung totong namamana ang pagkamakabayan at katapangan, sino kaya sa mga inapo ni Ninoy ang kakakitaan ng mga katangiang taglay niya noong nabubuhay pa?
May limang anak si Ninoy sa namayapa na rin niyang misis na si dating Pangulong Corazon Aquino. Ang mga ito ay sina Maria Elena o "Ballsy", Aurora Corazon o "Pinky", Benigno Simeon III o "Noynoy", Victoria Elisa o "Viel", at Kristina Bernadette o “Kris.”
Lahat sila—maliban kay dating Pangulong Noynoy Aquino—nagkaroon ng asawa at sari-sariling pamilya. Sa isang liham noon ni Ninoy sa nag-iisa niyang unico hijo habang nakapiit sa Fort Bonifacio, binilinan niya ang anak na ingatan ang pangalan ng kanilang pamilya. “You are my only son. You carry my name and the name of my father. I have no material wealth to leave you. I never had time to make money while I was in the hire of our people… The only valuable asset I can bequeath to you now is the name you carry,” saad ni Ninoy.
Dagdag pa niya, “I have tried my best during my years of public service to keep that name untarnished and respected, unmarked by sorry compromises for expediency. I now pass it on to you, as good, I pray, as when my father, your grandfather, passed it on to me.”
At dahil hindi naman nagkaasawa si dating Pangulong Noynoy, sino kaya sa mga pamangkin niya ang magpapatuloy sa legasiyang iniwan ng kanilang Lolo Ninoy?
JIGGY AT JONTY
Sina Jiggy at Jonty ay anak ni Ballsy sa mister nitong si Eldon Cruz. Kapuwa nag-aral sa Ateneo De Manila University ang dalawa mula pre-school hanggang college.
Doon nagtapos si Jiggy ng Bachelor of Science in Communications Technology Management at Bachelor of Fine Arts Major in Information Design naman ang kay Jonty.
Sa kasalukuyan, si Jonty ay tumatayong chief ng editorial content para isang magazine. Pero bago pa man ito ay nagsisilbi na siyang editor sa iba’t ibang publikasyon mula pa noong 2011.
Samantala, si Jiggy naman ay nangangasiwa ng mga comic book artist.
Sa isang episode ng podcast na “Underpaid with Stanley Chi” noong 2024, naibahagi niyang na-meet umano niya ang ilang executives ng Marvel comics.
“In San Diego [Comic Con], pinapakilala sa akin. I attended one of the after parties. Nakilala ko ‘yong mga writer, main artist,” aniya.
MIGUEL AT NINA
Bunga ng pagmamahalan ng mag-asawang Pinky at Manuel Abellada sina Miguel at Nina. Si Miguel ay kasalukuyan nang may-asawa. Ikinasal siya noong Nobyembre 2015 sa college sweetheart niyang si Stephanie Yap sa St. Therese Church.
KIKO AT JIA
Anak nina Viel at Richard Dee sina Kiko at Jia. Parehong nagtapos sa University of the Philippines-Diliman ang magkapatid ngunit magkaibang landas ang kanilang tintahak.
Si Kiko ay senior lecturer sa Department of Political Science sa nasabing unibersidad. Aktibo rin siya sa pakikilahok sa mga gawain at isyung may kinalaman sa politika. Sa katunayan, siya ang complainant sa unang impeachment na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Samantala, si Jia naman ay aktibo sa gaming community. Noong 2019, siya ang natatanging Pilipinang kumatawan sa Pilipinas sa ginanap na 30th SEA Games.
JOSH AT BIMBY
Si Josh ang panganay na anak ni Kris sa action star at dati niyang partner na si Philip Salvador. Ipinanganak siya noong Hunyo 4, 1995.
Hindi gaya ng ibang bata, may special needs si Josh. Matatandaang na-diagnose siyang may autism. Pero noong Hunyo 2024, umugong ang tsika na bet umano ni Kris na maging model ang kaniyang panganay.
“Si Kris daw kasi gustong mag-model itong si Josh. Kasi nga ‘di ba ‘yong isang t-shirt company ka-close niya ‘yong may-ari,” lahad ng batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin.
Maki-Balita: Pinauuwi ng Pinas: Kris, gustong mag-model si Josh?
Samantala, si Bimby—na siyang pinakabunso sa magpipinsan—ay anak naman ni Kris sa basketball player na si James Yap.
Isa na siyang ganap na 18-year old matapos magdiwang ng kaarawan oong Abril. At gaya ng pinsan niyang si Kiko, tila masasangkot din sa politika si Bimby.
Sa panayam kasi ni showbiz insider Ogie Diaz sa mismong birthday celebration ni Bimby, sinabi ng huli ang kursong gusto niyang kunin pagtuntong ng kolehiyo.
Legal management, Tito Ogie [Diaz]. Maging lawyer. Imagine mo, Atty. Bimb,” saad ni Bimby.
“Kasi diverse e,” paliwanag pa niya. “Let’s be honest. Sa business, sa politics, sa showbiz also.”
MAKI-BALITA: Bimby mag-aabogado, pinaplanong pumasok sa politika?