Ipinauubaya ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pasya kung kinakailangan niyang mag-leave habang iniimbestigahan ang umano’y katiwalian sa mga flood control project ng ahensya.
“Sa Pangulo ko po iniiwan ang desisyon,” pahayag ni Bonoan sa panayam ng GMA Integrated News’ Unang Balita nitong Miyerkules, Agosto 20, 2025.
Giit pa niya, hindi lamang flood control projects ang kaniyang tinututukan kundi marami pang malalaking proyekto sa DPWH na nangangailangan ng kaniyang pamumuno. “As I said, I leave it to the President po kung anong desisyon po nila,” dagdag ni Bonoan.
Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee noong Martes, Agosto 19, sinabi ni Bonoan na iniimbestigahan ng DPWH ang umano’y ilang mga “ghost” flood control project sa Bulacan, kung saan posibleng may sabwatan ang ilang tauhan ng ahensya at mga kontratista.
“In Bulacan alone, Wawao Builders had 85 projects amounting to 5.9 billion [...] There seems to be some ghost projects,” anang kalihim.
Dagdag pa niya, “As soon as we are able to fully document actually everything at saka yung nakumpleto na po yung imbestigasyon, then I think kapag napatunayan po na ganito, then we will file all the corresponding cases kahit na sino ang involve po diya.”
KAUGNAY NA BALITA: DPWH Sec. Bonoan, inaming 'ghost projects' ilan sa flood-control projects ng Wawao Builders!