Aliw ang sagot ni Kapuso actress at "Unang Hirit" TV host Shaira Diaz nang maurirat ni Boy Abunda sa "Fast Talk with Boy Abunda" silang dalawa ng mister na si EA Guzman, kung balak na ba nilang bumuo ng sariling pamilya.
Guest ang bagong kasal sa FTWBA nitong Miyerkules, Agosto 20
"Are you starting a family right away?" untag ni Boy.
Unang sumagot si EA.
"Ahm, hindi po, i-enjoy lang po muna namin Tito Boy," na ang tinutukoy ay ang bagong phase ng buhay nila bilang mag-asawa.
Segunda naman ni Shaira, "Gusto ko rin pong ma-enjoy 'yong ano po eh..."
Maririnig na sa puntong ito ang tila kantiyawan sa mga tao sa loob ng studio. Natawa naman si Shaira sa reaksiyon ni EA at sa reaksiyon na rin ng mga tao.
"Enjoy each other," sundot na lang ni Boy na tinanguan na lang ng mag-asawa habang natatawa.
Biro pa ni Boy, "Alam mo natatakot ako sa iyo, baka kung anong masabi mo..."
Sa puntong ito ay tinuloy na ni Shaira ang nais niyang sabihin.
"Ma-enjoy 'yong company naming dalawa as a married couple po," paliwanag naman ni Mrs. Guzman, na sinang-ayunan naman ni EA.
Nang matanong naman ang tungkol sa honeymoon, sinabi ni EA na sa Setyembre daw sila lilipad ng Switzerland, dahil pareho pa raw silang hindi nakakapunta sa nabanggit na bansa.
Nang matanong naman din ang dalawa kung napagbigyan na ba ni Shaira si EA na maging "masaya," muling binanggit ni EA na noong unang gabi nila, tinulugan siya ng misis.
Pero sa mga sumunod na gabi, "two thumbs up" na raw!
Matatandaang nauna na silang maurirat tungkol dito sa guesting nila sa Unang Hirit kamakailan.
"'Yong pangako ba niya [Shaira] noong sa dambana noong kinasal kayo na magiging masaya ka na [EA], kumusta ka naman?" usisa ng co-host ni Shaira na si Arnold Clavio.
Tugon naman ni EA, "Ako magiging honest ako ah, pero grabe ang ngiti ko talaga."
"Pero 'yong first night, tinulugan ako."
"Pero naintindihan ko naman kasi ang aga niya nagising so naiintindihan ko," paliwanag pa ng aktor.
Hirit naman ni Shaira habang natatawa, "It's a scam!"
KAUGNAY NA BALITA: EA naurirat kung naging masaya sa unang gabi nila ni Shaira
Matatandaang sa kasal nila, hayagang sinabi ni Shaira sa kaniyang groom, na mister na ngayon, na finally raw ay tapos na ang paghihintay ng huli, pagdating sa sex.
Hayagang inamin ni Shaira noon sa mga panayam na sa tagal ng pagsasama nila ni EA bilang couple ay wala pang nangyayari sa kanila.
Naniniwala kasi si Shaira na ang virginity ay ipinagkakaloob lamang sa lalaking magiging kasama na habambuhay.
Ikinasal naman ang dalawa noong Huwebes, Agosto 14.
KAUGNAY NA BALITA: Tapos na ang paghihintay: EA Guzman, Shaira Diaz ikinasal na!