Ninakawan si Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia habang kumakain sa isang restaurant sa Roxas Boulevard, Pasay City noong Martes ng tanghali, Agosto 19.
Ayon kay Garcia, napansin niyang nawawala ang kaniyang bag na naglalaman ng humigit-kumulang ₱12,000, cellphone, ATM cards, at iba’t ibang identification cards kabilang ang opisyal na ID mula sa Comelec
Sa kuha ng CCTV ng establisimyento, isang grupo umano ang nasa likod ng pagnanakaw. Kinumpirma rin ng opisyal na agad siyang nagpa-blotter sa pulisya matapos ang insidente.
Sa isang mensahe sa mga mamamahayag, sinabi ni Garcia na hanggang ngayon ay hindi pa naibabalik ang kaniyang mga gamit.
Matatandaang dumalo ang Comelec chairman kahapon ng Martes, Agosto 19 sa organizational meeting ng Senate Committee on Electoral Reforms and Constitutional Amendments, para pag-usapan ang tungkol sa "Anti-Political Dynasty Bill."
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.