Ibinahagi ni Deputy Minority Leader at Akbayan Partylist representative Perci Cendaña na may mga nagsumite ng reklamo patungkol sa online queuing system sa medical assistance ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ang paglalahad na ito ni Cendaña ay naganap sa briefing at hearing ng proposed budget ng PCSO sa Fiscal Year 2026 sa House of Representatives ngayong Miyerkules, Agosto 20.
Ayon kay Cendaña, ang mga natanggap nilang reklamo ay mula sa Akbayan Partylist.
“Sa online queuing system for medical assistance, nakatanggap po tayo ng reklamo mula sa mga miyembro natin sa Akbayan Partylist, na nahirapan silang mag-avail ng inyo pong serbisyo. In fact, sinubukan po ng aming team na mag-register sa nasabing application portal, pero nag-exceed na daw po ng daily limit, and we registered at 9:45 a.m.” ani Cendaña.
“Ang napansin po namin at batay din po sa karanasan ng mga kaibigan natin at kasama na nakakaranas nito, para po nagiging lotto ang pagkuha ng medical assistance sa PCSO. Bukod sa palagi nagka-crash ang site, dapat exactly 8 a.m mag-login. Tapos dahil 8 a.m nag-start ang online queue, bilang kung ikaw ay malingat lamang, sasabihin na agad na na-reach na raw ang daily limit for applications,” dagdag pa niya.
Ayon naman sa PCSO, sabay-sabay daw ang napakaraming aplikante, kaya daw talagang na-sswamp ng applicants ang kanilang system. Mabilis din daw itong napupuno after 8 ng umaga, kung kaya’t gumawa sila ng paraan.
“Bagama’t nga po ganoon, kami po ay gumawa ng paraan para ang mga nahihirapan po doon sa online ay mas madali kung nagpapadala po sila doon sa aming isa pang parallel system, ‘yong NCR Map na pinapadala lamang po naman nila ay ang mga email nila, email address po na aming dinesignated para sa applications,” aniya.
Dagdag pa nila, 24 oras daw ang turn-around time matapos nilang matanggap ang aplikasyon ng mga tao.
Ayon naman kay PCSO Chairperson Ret. Judge Felix Reyes, ang medical assistance ng kanilang opisina ay bukas sa lahat, at puwede rin itong gawin sa mismong opisina.
“Ganoon din po sa aming tanggapan, sa Shaw Boulevard, anuman pong araw, sila po ay nagpunta, at mayroon pong sasagot sa kanila, at sila po ay bibigyan ng kaukulang tulong sa kanila pong hinihiling na medical assistance,” ani Reyes.
Ibinahagi naman ni Cendaña ang kaniyang nararamdaman ukol sa mga indibidwal na nahihirapang i-access ang online portal ng PCSO.
“Nakakalungkot pong isipin na may mga kababayan tayo na dalawang beses, tatlong beses, three consecutive days mag-access ng portal tapos hindi po makakatanggap ng tulong kasi nga po na-exceed na ‘yong ating daily limits,” aniya.
“So perhaps, moving forward, the challenge of this representation to the PCSO is how can we expand our daily limit in terms of helping our kababayans, in this very critical portal na talaga naman pong gamit na gamit dahil malaki po ang pakinabang mula po sa inyong ahensiya,” dagdag pa nito.
Vincent Gutierrez/Balita