Nagbigay ng reaksiyon ang dating aktor at Bulacan Vice Governor Alex Castro sa natuklasan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa riverwall project sa Barangay. Piel, Baliuag, Bulacan nang personal siyang bumisita rito, Miyerkules, Agosto 20.
Napabisita ang Pangulo sa lugar kaugnay sa isyu ng "ghost flood-control projects" na isiniwalat ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, sa ginanap na Senate Blue Ribbon Committee sa pangunguna ng chair nitong si Sen. Rodante Marcoleta, noong Martes, Agosto 19.
Sa panayam kay PBBM, nakalagay sa record ng DPWH na kompleto na ang proyekto, subalit sa pagbisita niya, ay wala raw siyang nakitang kahit na ano.
"Walang ginawa kahit isang araw, hindi nagtrabaho. Kahit puntahan n'yo, wala kayong makikita na kahit ano," anang Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, galit sa nadiskubreng 'ghost project' sa Bulacan: 'I'm not disappointed, I'm very angry!'
Hindi raw nadismaya si PBBM kundi "very angry" sa kaniyang natuklasan.
Ibinahagi naman ni Castro ang isang ulat patungkol dito at kinomentuhan. Aniya, dapat daw na may managot sa nabanggit na anomalya.
"Grabe kayo ang tindi nyo pera ng taong bayan binulsa nyo lang na dapat solusyon sa problema ng mga Bulakenyo. Kailangan may managot!" aniya sa kaniyang Facebook post.
Samantala, sinagot naman ng vice governor ang komento ng isang netizen na tila malaking sampal sa kanilang mga opisyal sa Bulacan ang ganitong isyu.
"Malaking insulto po yan VGov s mga nakaupo bkit ndi alam," aniya.
Sagot naman ni Castro, "yung mga magnanakaw hndi nila ipapaalam na magnanakaw sila."
Samantala, nagbanta si PBBM laban sa mga opisyal na umano’y sangkot sa nadiskubre nilang ghost flood-control project sa nabanggit na lugar sa Bulacan.
Sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Agosto 20, 2025, iginiit ng Pangulo na maaaring makasuhan sa paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act ang mga opisyal na nakipagsabwatan umano sa mga kontraktor ng naturang project.
"Hindi natin palalampasin ito. Sususpendihin at kakasuhan ang lahat ng opisyal na nag-authorize at nakipagsabwatan dito ng paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act at malversation of public funds through falsification of public documents,” anang Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, pakakasuhan mga opisyal na sangkot sa ghost flood control project sa Bulacan