Si Kiko bilang susunod na Ninoy?
Naging maugong kamakailan ang pangalan ni Francis “Kiko” Dee sa social media matapos ang ginawa niyang pag-thumbs down na sinabayan pa ng pag-walk out sa Senado dahil sa desisyong i-archive ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Si Kiko ay apo nina dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. at dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino. Aktibo siyang nakikisangkot sa mga usaping panlipunan at pampulitika.
Sa katunayan, siya ay co-convenor ng “Tindig Pilipinas,” isang civil society organization. Siya rin ang isa sa mga complainant ng unang impeachment complaint na inihain laban sa Bise Presidente.
Hindi tuloy naiwasan ng mga netizen na makita ang ilang katangian ni Ninoy sa katauhan ni Kiko. Tila nararamdaman nilang si Kiko ang nakatakdang magpatuloy sa legasiyang iniwan ng kaniyang lolo.
Kaya sa eksklusibong panayam ng Balita, hiningan si Kiko ng reaksiyon kaugnay sa paghahalintulad na ginagawa ng mga tao sa kanila ng lolo niya.
“Siyempre very humbling ‘yong gano’ng comment. Lahat po sa amin sa pamilya, talagang humahanga kay Lolo Ninoy lalo na kaming mga hindi nakaabot sa kaniya,” saad ni Kiko.
Pero sa kabilang banda, nakakalungkot din umano ang naging komento ng ilan dahil kung tutuusin ay maliit na bagay lang umano ang ginawa niya.
Ani Kiko, “Simple lang ‘yong ginawa [ko], ‘di ba? Thumbs down, tapos isang segundo lang ‘yon. Tapos, walk out. Wala naman akong sinabi. Wala naman akong speech na ginawa. Kung sa sobrang konti no’n naalala mo na si Lolo Ninoy, parang nakakalungkot ‘yong kalagayan ng politika natin.”
“Tingin ko kasi parang ang layo pa ng kailangang tahakin para lumapit ako do’n sa kinayang gawin ng Lolo Ninoy ko. Talagang buong buhay ‘yong inalay niya. Medyo duwag pa nga ako no’n kaya maiksi lang akong nag-thumbs down,” dugtong pa niya.
Kaya wala rin umano siyang planong pasukin ang politika. Sa katunayan, ang rason umano kung bakit gusto niyang maipatupad ang anti-political dynasty law ay upang mas mahirapan ang pamilya niyang magkaroon ng posisyon sa pamahalaan.
“Minsan, gini-give ko naman ‘yong impression na ‘yon,” sabi ni Kiko. “Na ayaw kong pumasok dahil pinaninindigan ko ang political dynasty. In a way, mas baligtad pa ‘yong totoo. Pinaninindigan ko ‘yong political dynasty kasi ayaw ko talaga ng may kapamilya ako sa public office.”
Ang Imahe ni Ninoy sa Batang Kiko
Ayon kay Kiko, hindi umano naiiba sa maraming Pilipino ang pagkakakilala niya sa kaniyang Lolo Ninoy. Ipinanganak siyang hindi na ito naabutan pa.
“No’ng pinag-aralan ko ‘yong mga pinagdaanan niya, ‘yong mga choices na ginawa niya, parang hindi ko talaga ma-imagine na nagduda siya,” ani Kiko.
Dagdag pa niya, “Halimbawa, no’ng kinulong siya noong panahon ng Martial Law, hindi ko ma-imagine na bibigay siya. Parang sa buong pagkakakilala ko sa kaniya parang wala siyang gano’ng kakayahan na bumigay.”
Tila likas umano sa kaniyang lolo ang katapangan. Na talagang pinaninindigan nito ang sa palagay nito ay tama.
“At ‘yong tama para sa kaniya,” pagpapatuloy ni Kiko, “hindi talaga puwedeng i-abuse ‘yong karapatan ng mga kapuwa Pilipino. Kaya kahit ‘yong pagkulong, ‘yong mismong banta sa buhay niya, tiniis niya ‘yon lahat.”
Kaya kung may pinakamahalagang kontribusyon man si Ninoy sa Pilipinas, ito ay ang pagbabalik ng demokrasya sa bansa at pagmamahal sa kapuwa Pilipino.
“Malaki ‘yong naging papel niya sa pagbalik ng demokrasya sa Pilipinas dahil sobrang lala ng ginawa sa kaniya, ‘yong paglabag sa kaniyang karapatan bilang tao. Parang nagising lang ‘yong lahat ng mga Pilipino na ‘di na talaga katanggap-tanggap ‘yong kalagayan sa ilalim ng diktadurya. Saka after 3 years, nagkaroon ng EDSA Revolution,” lahad ni Kiko.
“Tapos ‘yong pangalawa siguro ‘yong pagmamahal sa kapuwa Pilipino,” pagpapatuloy niya. “Kasi bakit niya nasabi na ‘The Filipino is worth dying for?’ Kasi sa tingin ko, at the end, mahal niya talaga ‘yong kapuwa niya.”
Pero taliwas sa inaakala ng marami, ang mas nakaimpluwensiya pala kay Kiko ay ang lola niya.
“Mas Lola Cory ko pa [‘yong nakaimpluwensiya sa akin] kasi siya ‘yong naabutan ko,” sabi niya. “Saka kahit hindi na siya presidente no’ng medyo may kamalayan na ako sa mga bagay-bagay, aktibo pa rin siya sa politika. Nando’n siya no’ng EDSA II, ‘Hello Garcia,’ NBN-ZTE scandal ni GMA [Gloria Macapagal-Arroyo]. Parang aktibo pa rin siyang parte ng oposisyon.”
Sa kasalukuyan, sa gitna ng talamak na disimpormasyon at distorsyon sa kasaysayan, patuloy na pinepreserba nina Kiko ang legasiya ng kaniyang lolo sa pamamagitan ng Ninoy and Cory Aquino Foundation (NCAF) bilang executive director nito.
MAKI-BALITA: BALITAnaw: Agosto Biente Uno: Ang pagpaslang kay Ninoy Aquino
Isa sa kanilang inisyatibo ay ang pagsasapubliko ng mga talumpati ni Ninoy noong Nobyembre 23. Ngunit ayon kay Kiko, kasalukuyang inaayos ang website kung saan nakalagak ang mga ito.
“Hopefully, before the end of the year, mababalik ‘yon,” aniya.
MAKI-BALITA: Mga talumpati ni Ninoy, isinapubliko ng NCAF
Samantala, nakatakdang magdaos ng misa bukas, Agosto 21, ang “Tindig Pilipinas” kasama ang “Buhay Ang People Power Campaign Network” sa Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque City. Ito ay bilang paggunita sa ika-42 kabayanihan ni Ninoy.