Ang family planning ay isang responsableng paraan ng mga indibidwal at mag-asawa para maiging mapagplanuhan ang bilang at agwat ng mga magiging anak, ang pinansyal na kahandaan sa pagtataguyod ng pamilya, at proteksyon laban sa mga potensyal na sexually transmitted infection (STI).
Nakapaloob din dito ang gender equality, kung saan, inaasahan na initiatibo ito hindi lamang sa parte ng kababaihan, kung hindi ng mga kalalakihan din.
Ayon sa Commission on Population and Development (CPD), habang mahigit 8.6 milyon na kababaihan ang naitalang gumagamit ng modernong paraan ng family planning sa taong 2025, kung saan mas mataas ito kaysa sa 8.3 milyon na naitala sa mga nakaraang taon, nananatiling mababa ang bilang ng mga lalaking gumagamit ng family planning, na may naitalang 1.6 na porsyento.
Kung kaya’t patuloy na inaabiso ng CPD ang importansya ng partisipasyon ng kalalakihan para sa epektibong family planning, dahil dito, inilulunsad nito ang programang Kalalakihang Tapat sa Responsibilidad at Obligasyon sa Pamilya (KATROPA).
Sa KATROPA, inilulunsad ang male empowerment sa layuning maituro at mapaalala ang papel ng kalalakihan sa pamilya at komunidad, at itinataas ang mga usapin sa gender equality, family planning, at malusog na pamumuhay.
Dahil dito, tatalakayin sa artikulong ito ang vasectomy, ang isa sa ilang kilalang paraan ng family planning para sa kalalakihan.
Ano ang vasectomy?
Ayon sa Johns Hopkins Medicine, ang vasectomy ay isang permanenteng birth control para sa isang lalaki na wala nang balak magkaroon ng anak o ayaw nang makabuntis pa ng asawa, at sa dagdag na pag-aaral ng National Health Service (NHS), mayroong halos 100 porsyentong effectivity rate.
Ito ay isang simpleng operasyon na ginagawa ng isang urologist, isang doktor na dalubhasa sa male urinary at reproductive system, kung saan, ginagamitan ang pasyente ng local anesthesia.
Paano ito ginagawa?
Mahalagang tandaan na mayroong dalawang uri ng vasectomy, ang incision method at no scalpel o no-cut method.
Ang incision method ay ginagawa sa pamamagitan ng paggupit o pagblock ng dalawang maliit na tube sa scrotum o bayag na nagdadala ng sperm o tamud para hindi na ito lumabas sa katawan.
Ang no-cut methods naman ay hindi gaanong madugo kumpara sa incision method at kadalasa’y mas mabilis gumaling at may mas mababang panganib ng impeksyon at iba pang komplikasyon.
Mahalagang tandaan na ang lalaking sumailalim sa vasectomy ay may kakayahan pa ring mag-ejaculate, ngunit ang ilalabas nitong similya ay wala nang tamud, at ang kakayahan magkaroon ng erection ay hindi nababago, ayon sa Johns Hopkins Medicine.
Saan puwedeng pumunta?
Bilang parte ng mga programa para sa family planning sa bansa, maaaring pumunta sa mga Department of Health (DOH) hospital at pampubliko o pampribadong health center sa bansa.
Saklaw rin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang vasectomy bilang parte ng benepisyo nito sa family planning, kasama rin dito ang ligation o transection ng fallopian tubes o contraception para naman sa kababaihan.
Sean Antonio/BALITA