Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang mga lamok ay mga insektong nagdadala ng panganib at sakit sa buhay ng tao, kung kaya’t ngayong araw, Agosto 20, ay ginugunita ang “World Mosquito Day.”
Tiyak nagtataka kayo ngayon kung bakit ipinagdiriwang pa rin ito, gayong problema naman pala ang dala ng mga lamok sa bawat isa.
Ang “World Mosquito Day” ay isang taunang pagdiriwang, hindi para gunitain ang “existence” ng mga lamok bilang tagapagdala ng sakit, bagkus ito ay isang okasyong naglalayong bigyan ang bawat isa ng sapat na kaalaman upang makaiwas sa mga dalang panganib ng maliliit, ngunit katakot-takot na mga nilalang na ito.
Pamimigay ng mga pang-iwas lamok
Upang magkaroon ng kaalaman at karanasan ukol sa pagsugpo sa isyung dala ng mga lamok, maaaring makilahok sa mga “fundraising” sa pamimigay ng pamatay-lamok tulad ng katol o mga mosquito repellant.
Maaaring makipagtulungan sa mga non-government organizations (NGO) at sa mga pribadong sektor upang mas mapalawig ang kakayahang mamigay nito sa mas maraming tao.
Seminar upang magbigay ng kaalaman ukol sa pag-iwas sa banta ng lamok
Hindi lamang gamit pang-iwas ang puwedeng ibahagi, maaari ding mag-organisa ng isang seminar kung saan magbibigay kaalaman sa mga tao sa komunidad.
Kung maaari ay mag-imbita ng mga eksperto upang mas maging makabuluhan ang isasagawang seminar.
Magpasimula ng isang ‘community awareness’ event
Imbitahin at himukin ang mga tao sa komunidad na makiisa at makibahagi sa isang event na maglalayong sugpuin ang pagdami ng mga lamok sa inyong lugar, lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Maaaring magsagawa ng isang malawakang paglilinis sa lugar — pagtanggal ng mga nakatenggang tubig, pagtatapon ng mga bagay na puwedeng pamugaran o pangitlugan ng lamok.
Magbahagi sa social media ng mga ‘tips’ and ‘awareness’ upang mas dumami ang may kaalaman
Malayo ang nararating ng social media, kung kaya’t mabuting gamitin itong instrumento upang ipakalat ang mahalagang impormasyon ukol sa kaligtasan laban sa mga lamok.
Ibinahagi naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa kanilang Facebook post ang mga datos na mayroon sila pagdating sa isyu ng lamok sa bansa.
Ayon sa kanila, nakapagtala ang PSA ng 1,187 na pagkamatay noong 2023 dahil sa masamang epekto ng mga lamok sa bansa.
1,167 ang namatay sa Dengue, siyam sa Malaria, anim sa Mosquito-borne viral encephalitis, at limang kaso naman sa Filariasis.
Nagpaalala rin ang PSA na protektahan ang inyong mga kabahayan, ang inyong pamilya, pati na rin ang buong komunidad.
Ngayong World Mosquito Day, huwag kalimutang magpahid at mag-spray.