Umarangkada na ang Senado noong Martes, Agosto 19, sa pagtalakay hinggil sa anti-political dynasty matapos pag-usapan ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation ang tatlong panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang political dynasties sa bansa.
Ilan sa mga ginawang lunsaran sa organizational meeting ay Senate Bill 18 ni Senador Robin Padilla, Senate Bill 35 ni Senador Panfilo Lacson, at Senate Bill 285 ni Senador Kiko Pangilinan.
Sang-ayon kay Sen. Risa Hontiveros, na siyang vice chair ng senate committee, 38 taon na ang lumipas mula nang maratipikahan ang 1987 Konstitusyon na nagsasaad na ang estado ay dapat “magbawal ng political dynasties gaya ng maaaring ipakahulugan ng batas,” subalit patuloy pa rin ang pag-iral ng mga ito.
"The 1987 Constitution clearly says that the State shall "prohibit political dynasties as may be defined by law," saad ng senadora.
"Dapat tuparin na natin ang utos ng Konstitusyon: I-define na natin kung ano ang POLITICAL DYNASTY."
"Tapusin na natin ang walang-hanggang debate," aniya pa.
Dagdag pa ng senadora. "113 sa 149 na syudad sa Pilipinas ay KONTROLADO NG POLITICAL DYNASTIES. Habang hindi tayo magkasundo sa isang Anti-Political Dynasty Law, iilang pamilya lamang ang may hawak sa ating bansa."
"Maraming pag-aaral na nga ang nag-ulat na habang kumakalat ang mga dinastiya ay sabay namang bumababa ang kaayusan ng pamamahala at antas ng serbisyo sa publiko."
"Paano nga ba naman kasi ipagbabawal, kung walang batas na may malinaw na kahulugan ng political dynasty?"
"Ano yung depinisyon ng political dynasty na ipinagbabawal? Yung limitasyon ba sa mag-kamag anak na kandidato, aabot sa national positions, o bawal lang sila sa iisang siyudad o probinsiya? Kasama ba sa dynasty ban ang pwesto sa barangay? Kasama din ba sa ban ang partylists?"
"The sooner we answer all of these difficult questions on the Anti-Political Dynasty Law, the sooner we will be able to end the concentration of public power among the few and the powerful," anang senadora.
Ginawang reference ni Hontiveros ang mga impormasyon mula sa Ateneo School of Government, na tatlong uri ng dynasty: ang thin, fat, at obese dynasty.
Naniniwala naman si Hontiveros na nararapat nang isulong ang anti-political dynasty bill.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng thin, fat, at obese dynasty?
Ibinahagi rin ng senadora ang ibig sabihin ng mga terminolohiyang ito, sa kaniyang opisyal na Facebook page, para sa kabatiran ng publiko, mula sa Ateneo School of Government.
Ang thin dynasty ay nangangahulugang magkakamag-anak ang nagpapalitan sa isang (1) puwesto.
Ang fat dynasty naman, dalawa o tatlong miyembro ng isang pamilya ang sabay na nanunungkulan.
Habang ang obese dynasty naman, higit apat o limang kapamilya ang magkakasabay sa politika.
Sa ginawang lunsaran ni Hontiveros, nasa 113 ng 149 city mayors ay mula sa political dynasties, batay sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) noong Enero 26, 2025.
"A total of 80, or about 53% of all city mayors, are dynasts seeking reelection. Meanwhile, 27 sitting city mayors are considering relatives to replace them as most of them run for other positions," mababasa rito.
"And in some cities where non-dynast mayors lead, members of political dynasties are gearing up to unseat the incumbents."
"Previous PCIJ research similarly shows that political dynasties have also swarmed the congressional district, party-list and gubernatorial races," dagdag pa nila.
Sa kinapanayam nilang political propesor na si Dean Dulay, sinabi niyang hindi raw maganda ang epekto ng political dynasty sa Pilipinas.
“It’s suggestive of wasteful spending. And if you want to be very negative, you might say it’s pure corruption. If you want to be positive, it’s like they can do more things but they just don’t have the competence to do it very well,” paliwanag niya.
“In general, there doesn’t seem to be a lot of evidence that dynasties actually improve development,” dagdag pa niya.
Ayon naman kay Julio Teehankee, Political Science professor sa De La Salle University (DLSU), sa isang panayam ng ABS-CBN News noong Marso 7, 2025, nakikinabang ang mga political dynasty sa tinatawag na "incumbency advantage" na nagiging dahilan upang mawalan ng pagkakataon ang karaniwang mamamayan na makapasok sa serbisyo-publiko.
Nagagawa nila ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng pangalan o brand making, paggamit ng patronage politics, at pagpapanatili ng clientelist relationship.
“So, una, brand making, no? Because of your popularity, because you're in power. Second would be distribution of patronage resources like ayuda. Third is building clientelistic relationship. So, ito 'yong advantage ng incumbent. Ito rin ang ginagamit na pamamaraan ng mga political dynasty para walang makapasok na bagong mukha at bagong politika sa local level,” saad ni Teehankee.
Ayon pa sa kaniya, dahil sa pag-iral ng political dynasties, maaaring mabawasan ang bisa ng prinsipyo ng check and balance at accountability sa pamahalaan, na posibleng humantong din sa pang-aabuso ng kapangyarihan ng mga magkakamag-anak na nanunungkulan.
Sa pagdinig pa rin ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, noong Martes, inihayag naman ni Sen. Imee Marcos na tila napapagod na ang kanilang pamilya sa larangan ng politika; sa kabilang banda, binigyang-diin niyang may mabuting bahagi rin ang political dynasty, lalo na kung ang mga pamilyang nasa kapangyarihan ay nakapaghahatid ng pag-unlad at progreso sa kanilang nasasakupan.
"Ito para maging apologist ano, para sa [political] dynasty, pagod na pagod na kami sa politika, sa totoo lang, tuwing eleksyon nagkakapilitan sa pamilya kung sino ang tatakbo at talagang wala nang may gusto," aniya.
Pero sa kabilang banda raw, may magaganda pa ring naidudulot ang dynasty, kahit na thin o fat pa ito. Ginawang halimbawa ng senadora ang sitwasyon sa Bataan.
Wala raw makakapag-argue na ang nangyaring development sa Bataan, sa pamamagitan ng Garcia family, ay talaga namang mahusay.
Ibinida rin ni Sen. Imee ang lalawigan ng Ilocos Norte kung saan nakapagtala ito ng lowest poverty rate, ang Cebu, at Davao City.
"Paano kukumbinsihin ang mga tao roon na masama ang dinastiya kapag 'yong delivery, 'di hamak na mas maayos kaysa sa opisyal ng pamahalaan," anang senadora.
Ayon naman kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, kinakailangan ng isang batas upang malinaw na maitakda ang saklaw at hangganan ng pagbabawal sa political dynasty.