December 15, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Si Quezon at mga kontrobersyal na pangyayaring madalang banggitin sa kasaysayan

Si Quezon at mga kontrobersyal na pangyayaring madalang banggitin sa kasaysayan
Photo courtesy: Adrian Navarro (Reddit), Everyday History (FB)

Lagi’t lagi nang pinagpupugay ang kadakilaan ng isang tao sa selebrasyon ng kaniyang kapanganakan. 

Ang paghiling ng pagkakaroon ng mahabang buhay at makagawa ng maraming mabuting bagay sa hinaharap. 

Ngunit ngayon, Agosto 19, 2025, inaalala ng mga Pilipino ang kapanakan ng itinuturing na isa sa mga naging pinakamahusay na pangulo ng kasaysayan. 

Sa ganitong partikular na panahon, madalas nating sariwain ang magagandang bagay na naiambag ni Quezon para sa bansa.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 8 mga putahe na kasya sa ₱1,500 para sa Noche Buena

Si Pangulong Manuel Luis Quezon o Manuel Luis Quezón y Molina; Si Quezon bilang unang pangulo sa panahon ng Malasariling Pamahalaan ng Pilipinas o Komonwelt; Siya bilang tinaguriang Ama ng Wikang Pambansa; at Ang Ama ng Republika ng Pilipinas. 

Ngunit bukod sa mga nabanggit, ano pa ang alam mo tungkol kay Quezon? 

Ano ang mga usaping hindi nasasagil sa loob ng silid-aralan kapag pinag-uusapan ang dakilang pangulo at nalimot na sa kasaysayan? 

Noong 1930, maihahambing ang Pilipinas bilang bansang binubuo ng iba’t ibang wangis mula sa katayuan ng mamamayan nito. Nilasap ng mga taong sumunod at nakibahagi sa karangyaan ang kaginhawaan ng bansa.

Sa panahong ito lumaganap ang pagsusulong ng sining at panitikan para sa mga Pilipino ngunit para sa lamang sa mga edukado. Ang pagkakaroon ng pagtatayo ng establisimyento at pagyaman ng ilang mga siyudad ay nagbunga ng pagdami ng mga manggagawang Pilipinong humantong sa kalunos-lunos na kalagayan. 

Hindi na bago sa ganitong usapin halimbawa ang naranasan ng mga magsasaka sa mga panginoong may-lupa. 

Sino si Benigno Ramos? 

Dito magsisimulang umusbong ang katauhan ni Benigno Ramos, makata, mananalumpati, nagtatag ng pahayagang Sakdal at kilusang Sakdalista. 

Ang mga tula at talento ni Ramos sa pagsulat na lagi’t laging nagpapakita ng pag-aasam sa kalayaan ng mga Pilino ang tumulong sa kaniyang magkaroon ng kapanalig at kakampi.

Sa pamamagitan ng kaniyang kakayahan, nagamit niya ito upang magsilbi sa Partidong Nacionalista, isang partidong pampolitika mula sa Pilipinas at pinagkatiwalaan siya ni Quezon. 

Hindi nagtagal at agad pinutol ni Ramos ang kaniyang karera sa politika dahil sa hindi pagkaka-intindihan. Sanhi ng kaniyang desisyon ang nangyaring hindi magandang pagtrato o panlalait ng isang Amerikano sa isang estudyante mula sa Manila North High School. 

Ngunit hindi kinondena ni Quezon ang pangyayaring ito sa dahilang ayaw niyang masira ang magandang pakikipag-ugnayan niya sa mga opisyal noon sa Washington. Mula rito, naging progresibo si Ramos na isiwalat ang gobyernong tinawag niyang napupuno ng mga sinungaling, walang prinsipyo, at sakim. 

Sino ang mga Sakdalista? 

Kilala ang mga Sakdalista bilang mga taong progresibo sa usapin ng pagsusulong ng ganap na kalayaan ng Pilipinas, mga katiwalian, naghaharing-uri, pangangamkam ng lupa, pagpapababa ng buwis, at nag-alsa kontra sa mga burgis na pinaniniwalaan nilang manlilinlang sa tunay na adhikain ng pagiging isang tunay na bansa. 

Ang naganap na Cabuyao Massacre

Lumipas ang panahon at naging mas marami ang bilang ng naturang samahan nila Ramos.

Mayo 2, 1935, mahigit 60,000 bilang ng mga Sakdalista ang nag-aklas sa iba’t ibang lugar sa paligid ng Maynila. Tinaas ng kilusan ang isang watawat sa San Idelfonso, Bulacan, na nagproklama ng pagkatatag ng isang rebolusyonaryong pamahalaan. 

Nabahala si Quezon at nagpasiyang pigilan ang kilusan. Ipinadala niya ang Philippine Constabulary sa pangunguna ni Basilio Valdez sa mga bayang pinamugaran ng mga  Sakdalista. 

Dito naganap ang tinawag noong “Cabuyao Massacre” kung saan nangyari ang putukan at maglatag ang Constabulary ng hile-hilerang bangkay ng mga nag-aklas sa harap ng simbahan. Tanda ito ng pagbabanta sa mga taong magbabalak nais gumaya sa pagtaliwas ng mga naging biktima. 

Matapos nito, nagkawatak-watak ang mga sakdalista. Tinipon ni Ramos ang natitira pa niyang samahan sa Partido Ganap na kapuwa mga maka-Hapon. Ang mga kasapi nito ay kalaunang binuo ang mga Makapili. 

Samantala, ang mga paksyon na kontra kay Ramos ay sumali sa Nagkakaisang Prente ng Partido Komunista ng Pilipinas at dito nabuo ang samahang Hukbong Bayan Laban sa Hapon o Hukbalahap sa pangunguna ni Luis Taruc. 

Isa ang mga pangyayaring ito sa hindi madalas pag-usapan ng karamihan. Hindi kailanman naging handa ang mga Pilipino sa pambansang usapin na taliwas sa kamalayang panlahat. 

Ngunit parte ito ng simula. At bawat simula ay magpapatuloy. Hindi paninirang puri ang pagsasaabi ng totoo at pag-alam sa mga pangyayaring totoo. Mga totoong tila nakalimutan. Mga katotohanang piniling kalimutan. 

Pero tao lang din si Quezon. Sa katunayan, mas marami pang mga sumunod sa kaniyang ang may mas malalang kontrobersyal sa ilalim ng kanilang panunungkulan. 

Si Quezon, kung ikukumpara sa iba, ay higit na mabuti. Siya ang Ama ng Wikang Pambansa. 

Bukas-palad niyang tinanggap ang mga lumikas na Hudyo mula sa Holocaust ng mga Nazi sa Alemanya. 

At higit sa lahat, mapagmahal sa kaniyang asawa at pinsan na si Ginang Aurora Aragon Quezon. 

Ngayong Agosto 19, 2025, ipinagdiriwang ang 147 taon ng kapanganakan ni Pangulong Manuel L. Quezon. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita