Dismayado ang naging pahayag ni Senador Bong Go sa pandinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong umaga ng Martes, Agosto 19, kaugnay sa usapin ng kontrobersyal na flood-control projects.
Binigyang-linaw ni Go ang pagsang-ayon niya sa layunin ng pandinig ng Senado kaugnay sa pagkuwestiyon sa anomalya ng proyekto.
Nagawa rin niyang purihin ang Chairperson ng pandinig na si Sen. Rodante Marcoleta sa pagtutok sa usapin ng nasabing proyekto.
“I fully support the objectives of this hearing. I want to commend our Chairperson, Senator Rodante Marcoleta for prioritizing this important issue[...] As Vice Chairperson of the Senate Committee on Finance and the Vice Chairperson of the Senate Blue Ribbon Committee, I agree with Senator Gatchalian. Babantayan po namin ang budget for 2026,” saad ni Go.
Sa pagpapatuloy niya, ipinaliwanag niyang hindi na bago para sa mga Pilipino ang makaranas ng pagbaha at sakuna partikular ng bagyo.
Ngunit ipinahayag niyang mas lalong naging malala ang kaso ng pagbaha sa bansa habang pataas nang pataas ang ibinibigay na pondo para sa proyektong pagresolba sa baha.
“At bilang Chairman ng Committee on Health, hindi na po bago sa ating bansa ang paghagupit ng mga bagyo at hindi na rin po bago sa atin ang pagbaha.
“Pero Mr. Chair, I’ll share the observations that despite billions of pesos funding for the Flood Control Projects, flooding becomes worse. Mas lalo pang tumataas at ‘yong mga lugar na hindi naman dating kadalasang binabaha, ngayon ay binabaha na rin,” paliwanag ng senador.
Naidagdag din niya na tila kasabay ng pagtaas ng baha ang pagtaas ng pondo ng flood-control projects taon-taon.
“Taon-taon, pataas nang pataas ang budget para sa flood control pero pataas nang pataas rin po ang pagbabaha,” anang Senador.
Sa pagpapatuloy ni Go, hinalimbawa niya ang problema sa baha sa Philippine General Hospital (PGH) na hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolbahan.
“At ‘yong baha diyan sa PGH[...] [Ay] hindi din po naa-address. Sana bigyan din po ito ng priority ninyo. [Dahil] mas malapit naman po ito sa atin[...]” ayon kay Go.
Ayon sa senador, triple ang laki ng pondo para sa flood-control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kumpara sa pondo ng Kalusugan sa ilalim ng kaniyang komitiba.
“Triple ang budget ng DPWH kumpara sa Health. Tuwing nagbabaha po ay hindi lamang nakakaapekto sa mga pagmamay-ari at kabuhayan ng ating mga kabuhayan. Nilalagay niyo rin po sa alanganin ang buhay ng mga kababayan natin na biktima ng bagyo,” pagbabahagi niya.
Naidagdag pa niya ang pag-aalala niya sa tumataas na bilang ng mga kasong may Leptospirosis na natatanggap ng mga Hospital.
“I am also particularly concerned about the report of [an] increasing number of Leptospirosis cases [that] overwhelming our Hospitals.
“Sa kakaikot ko sa mga Hospitals, sila ang mga binabaha. Pero ‘yong budget ng Health sa ngayon, halos triple ang budget ng DPWH kumpara sa Health. 880 billion ang DPWH, 313 billion lamang po ang para sa Health,” pagbabahagi ni Go.
Hiniling ng Senador na sana nilaan na lang ang pondo para sa kalusugan, pagsasa-ayos at pagpapatayo ng mga bagong Hospital, at iba pang benipisyo para sa mga tao kaugnay rito.
“Sana ilaan na lang po ang pondo na mapapakinabangan ng taong bayan para sa Health. Para sa pagpapatayo at pag-uupgrade po ng mga Hospitals, medical assistance, at health benefits,” aniya.
Ipinanood din ng Senador ang isang video tungkol sa pagpapaalala niya sa pandinig sa Senado noon pang Agosto, 2023, sa naturang Flood Control Projects.
“That was August of 2023[...] Pinaalalahanan natin kayo [na] dapat ilagay ang flood control sa lugar na madalas binabaha at maproteksyonan [ang] tao. Ang tanong natin, bakit doon nilagay sa walang tao?” pagtataka ni Go.
Sa huli, nawaksi ni Go na dapat nailagay na lang ang pondo sa mas mahahalaga pang proyekto.
“Sana po ay inilaan na lamang ito sa mga importante pang proyekto[...]” pagtatapos niya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita