Dumalaw si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa orthopedic ward ng East Avenue Medical Center sa Quezon City ngayong Martes, Agosto 19, 2025 upang personal na tingnan ang pagpapatupad ng programang “Bayad na Bill Mo” o mas kilala bilang zero-balance billing policy.
Layunin ng programang masiguro na ang mga pasyente, lalo na ang mga nasa pampublikong ospital, ay hindi na magbabayad ng anumang dagdag na halaga matapos ang kanilang gamutan.
Sa ilalim nito, sasagutin ng gobyerno at PhilHealth ang lahat ng gastusin sa ospital upang hindi na mabigatan ang mga pamilya.
Sa kaniyang pagbisita, kinumusta ng Pangulo ang kalagayan ng mga pasyente at tiniyak na ipagpapatuloy ng administrasyon ang pagtutok sa mga programang pangkalusugan na direktang nakikinabang ang mamamayan, batay na rin sa nabanggit niya sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.
'Yong ating programang zero-billing, unang-una, ay nagagampanan ng ating mga ospital, ng ating mga staff, ng ating mga doktor, ng ating mga nurse," anang Pangulo.
Pinasalamatan din ni PBBM ang mga medical at non-medical personnel sa nabanggit na ospital dahil sa kanilang serbisyo sa kanilang mga pasyente.
Ang zero balance billing ay isang polisiyang pangkalusugan sa bansa na gumagarantiya sa libreng paggamot sa mga mamamayan habang ito’y naka-confine sa isa sa ilalim ng basic (ward-type) accommodation sa mga DOH hospital.
Ang mga kwalipikadong mamamayan na pasok sa zero balance billing ay ang mga kinokonsidera ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang Indigents o mahirap na pamilya, mga senior citizen, persons with disabilities (PWD), at mga sponsored na miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Saklaw ng zero balance billing ang mga room at board charge, doctors’, nurses’ and specialists’ fee, mga laboratory test at imaging, paggamit ng mga operating room at hospital equipment at supplies, at mga gamot na mabibili sa ospital.
KAUGNAY NA BALITA: Bayad na bill ninyo? Mga dapat malaman tungkol sa ‘Zero-Balance Billing Policy’