Mariing kinondena ng mga senador ang online gambling o sugal matapos ang tala ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na nasa 32 milyong Pilipino ang lulong sa sugal.
“It does not matter whether it’s legal or illegal, licensed or unlicensed. Online gambling is destroying our lives,” ito ang pahayag ni Senate Committee Panel Chair, Senador Erwin Tulfo tungkol sa online sugal sa unang pagdinig ng Senate on Games and Amusement kamakailan.
Ayon sa ulat ng PAGCOR noong Hulyo 2025, 32.117 milyong Pilipino naitalang lulong sa online sugal, isang nakaaalarmang bilang dahil sa halos 200% na talon mula sa 8.2 milyong bilang mula sa nakaraang taon.
Sa kaparehas na pagdinig, nagpahayag ng pagkabahala si Senador Sherwin Gatchalian, na kung hindi ititigil ang online sugal, posibleng sa susunod na taon ay lahat na ng adult population sa bansa ay malululong na rin dito.
Iniutos din ni Gatchalian sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ipagbawal ang pag-link ng online gambling sites sa e-wallet at online banking accounts, legal man ito o illegal.
Ipina-review din ng senador sa BSP ang mga regulasyon nito dahil may ilan pa rin na nakalulusot.
“I-review n’yo ho kasi meron pang nakalulusot sa ginagawa ninyong regulation. Hindi ho effective ‘yong nangyayaring regulation,” aniya.
Sean Antonio/BALITA