January 25, 2026

Home BALITA National

Messaging platform, tumugon sa banta ng DICT kaugnay ng online gambling

Messaging platform, tumugon sa banta ng DICT kaugnay ng online gambling
Photo courtesy: Freepik, Unsplash

Nagsalita na ang Viber hinggil sa umano'y paglipat ng online gaming sites sa messaging platforms gaya nila, matapos ang kautusang i-unlink ito sa e-wallets. 

Ayon sa mga ulat, nakahanap na ng iba pang lilipatang mobile channels ang online gaming sites matapos itong i-unlink ng ilang e-wallet sites, bilang direktiba sa unang pagdinig ng Senate on Games and Amusement noong Huwebes, Agosto 14.

“This is a malicious and predatory practice,” ito ang pahayag ni Senador Sherwin Gatchalian ukol sa pagpasok ng online gambling sites sa ilang messaging apps at e-commerce sites.

“I call on PAGCOR, DTI, and DICT to immediately order the delinking of online gambling sites from messaging and e-commerce platforms operating in the country,” direktiba ng Senador sa mga departamentong may kontrol sa regulasyon ng teknolohiya at gaming sa bansa.

National

Sen. Estrada sa ₱800 wage hike ng mga kasambahay: 'A great help'

Bilang pagtugon sa mandato, nagbabala si Department of Information and Communications Technology in the Philippines (DICT) Secretary Henry Aguda na iba-ban ang dalawang messaging platform na Telegram at Viber kung hindi nito aayusin ang kinasasangkutan sa online gambling operations.

Dahil dito, sumagot ang messaging app na Viber sa panayam ng ABS-CBN News noong Martes, Agosto 19.

"Our policies allow gambling‑related content only where permitted by local laws and regulations," ayon sa nasabing panayam.

Dagdag din nito na hindi nila pinapayagan ang direktang paggamit ng online gambling sa kanilang messaging platform.

Kung kaya’t kasalukuyan itong nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan ng bansa para sa mga susunod na aksyon nito ukol sa online gambling.

Ayon sa advertising policy ng Viber, ang ads na naglalaman ng mga kontekstong offline o online gambling, gaming o casino-based activities, national, governmental o private lotteries, sports bingo, bingo, o poker, ay subhektibo sa kanilang written approval bago ilabas, at kung maaprubahan ay mailalabas lamang sa limitadong pagkakataon.

Sa kaugnay na balita, ang e-wallet service providers na GCash at Maya ay opisyal na nagkalas ng access nito sa online gambling platforms noong Sabado, Agosto 16 bilang pagsunod sa mandato ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sean Antonio/BALITA