Napapanahon na umano upang alamin at himayin ang katotohanan sa likod ng maanomalyang flood control projects ayon kay Senador Rodante Marcoleta.
Sa opening statement ni Marcoleta sa imbestigasyon ng kaniyang komite sa naturang proyekto, Agosto 19, sinabi niyang kailangan na umanong mabigyang-linaw ang isyu sa likod ng proyektong pipigil sana sa pinsalang idinudulot ng pagbaha.
Ani Marcoleta, “Tama na ang pagpapaikot at paglihis sa tunay na problema. Tungkulin natin ngayon na bigyang-linaw at sagot ang mga kababalaghang nangyayari sa mga kontratang ipinasok ng gobyerno at ang mga private contractors.”
“The root of the issue before us boils down to the rampant corruption entangled within the core of our government. Tila sakit na cancer na siyang unti-unting sumisira sa ating bansa,” dugtong pa niya.
Ayon sa senador, lumilitaw umano sa mga tala na kada taon ay pumapalo ng bilyon ang inilalaang pondo ng gobyerno sa flood control projects. Ngunit sa kapalpakan nito ay maraming buhay at ari-arian ang nasisira.
“Enough is enough. Pagod na ang mamamayang Pilipino na lumikas mula sa kani-kanilang mga tahanan, maghakot ng kagamitan upang makaligtas sa panganib na dulot ng rumaragasang tubig.
Matatandaang binakbakan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa ikaapat niyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo ang mga umano’y nangurap sa flood control project na lalong nagpalala ng baha sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong.
“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo! Na ibinulsa n'yo lang ang pera!” saad niya.
MAKI-BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'