December 22, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Lente ng kahapon: Rolyo ng kamera noon pang dekada 50, pinasilay sa publiko

Lente ng kahapon: Rolyo ng kamera noon pang dekada 50, pinasilay sa publiko
Photo courtesy: GMA Public Affairs (KMJS)

Ang tanging nag-uugnay sa tao at panahon ay alaala.

Sa pamamagitan nito, maaaring magawang makabalik ng isang tao sa nakalipas nang panahon.

Upang mas maging malinaw ang alaala ng isang tao, nariyang nalikha ang mga larawan at pelikula upang mabalikan ang nagdaan saan mang panahon nila naising bumalik.

Ganito ang kuwentong ibinahagi ng aktor, komedyante, artist at filmmaker na si Jun Sabayton sa programang Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS) na inere noong Linggo, Agosto 17.

Human-Interest

ALAMIN: Gaano kadalas ba dapat magpalit ng kobrekama at punda ng unan?

May ipinagkatiwala raw sa kaniya noon ang lola ng kaniyang matalik na kaibigan na pinakatinatagong yaman ng kanilang pamilya.

“Sobrang close kami. Madalas kaming nagkukuwentuhan,” aniya.

Dahil sa likas na hilig ni Sabayton sa paggawa ng mga pelikula, ipinagkatiwala sa kaniya ni Lola Ingay ang mga lumang 8 millimeter films na nagtataglay ng kaniyang alaala noon pang dekada ‘50.

Ngunit hindi naging madali para sa filmmaker na makita ang alaala sa likod ng mga rolyo. Kailangan nitong maisalang sa isang film projector na may sukat na 8 millimeter format.

“May kaibigan ako na mahilig sa 16 millimeter m at 8 millimeter. Nilapitan ko, sira na ‘yong kaniyang 8 millimeter,” pagkukuwento niya.

Ngunit noong 2023, nabalitaan ni Sabayton na mayroon nang bagong inilabas ang Kodak, kilalang kompanyang gumagawa ng mga kamera at kagamitang kaugnay nito, na isang film digitizer na maaaring bumasa ng mga rolyo kahit hindi gumamit ng lumang film projector.

“Naglabas ‘yong Kodak ulit ng bagong super eight at eight millimeter na film digitizer na puwede mo na siyang i-digitized ulit. Nakabili ako ng film digitizer, so doon ko ulit sinimulan[...]

Dagdag pa niya, “sinama ko na rin ‘yong parang alikabok. Kahit ‘yong parang silverfish, sige i-digitized natin ‘yan,” saad niya.

Ayon kay Sabayton, nakaramdam siya ng kilabot dahil para umano siyang nakabalik sa nakaraan sakay ng isang spaceship sa panahong itinatago ng mga lumang rolyo ng kamera.

“Natuwa ako at nangilabot ako. Para akong nakasakay sa isang spaceship na may time machine at ibinalik ako sa panahon na iyon,” pagbabahagi niya.

Sa pagkukuwento ni Jun, ipinakita sa kaniya ng lumang rolyo ng kamera ang panahon sa Pilipinas simula noong 1956, isang dekada matapos ang naganap na ikalawang digmaan.

Taglay ng nasabing rolyo ng kamera ang ilang video na nakuha mula sa Manila Bay na makikitang malinis at maaari pang liguan.

“Puwede pang maligo sa dagat ng Tondo noong panahon na ‘yon,” ayon sa kaniya.

Ipinakita rin nito ang lumang paliparan noon ng Maynila.

Ngunit ang nagpakilabot sa kaniya ay ang videong napanood niya sa paliligo noong 1956 sa Pansol, Laguna, ng batang bata pang si Lola Ingay.

Mayroon ding ibang mga video sa lugar ng Baguio noong 1965 at Antipolo noong 1959.

“[Makikita mo] kung ano ang itsura ng Antipolo, ang ganda ng mga damit, ang ganda ng paligid. Parang ibinalik ako sa panahon na iyon,” ‘ika niya.

“Si Lola Ingay po. Aktibo sila. Makikita mo ‘yong mga religious groups na nagmimisa, nagpoprosesyon. Napaka-interesting noong nakita ko siya. Nangilabot ako” dagdag pa niya.

Ikinalulungkot ni Sabayton na hindi na niya ito maipapakita kay Lola Ingay dahil pumanaw na ang may-ari ng lumang rolyo noon pang 2012.

“Kahit papaano ay na-fullfil ko ‘yong promise ko sa kaniya. Sayang lang, hindi [ito] nakita ni Lola Ingay,” anang film maker.

Para bigyang pagpupugay ang mga alaalang ipinagkatiwala sa kaniya ng matanda, nagbukas si Sabayton nitong Biyernes, Agosto 15, ng isang exhibit sa publiko upang ipakita ang laman ng mga lumang rolyo ng pelikula.

“Itong exhibition ko na ito ay pagpupugay na din kay Lola Inggay at saka pagpupugay doon sa mga imahe,” pagtatapos niya.

Samantala, may ilan pa ring mga lumang rolyo ng kamera ang hindi pa niya napapanood at ngayon pa lang naibahagi sa publiko.

Nasaksihan nila dito ang ilang kaganapan ng prosesyon ng isang religious group sa ibaba ng bundok.

“Natutuwa tayo na binabalikan natin ‘yong mga archival na pelikula, mga picture, mga libro, no? Kasi ito ‘yong gabay natin para sa kinabukasan.

Kung wala kasing mag-aalaga sa ating mga alaala, mawawala rin ‘yong ugat ng ating mga kuwento. Mahalaga ito [at] importante ito upang malaman natin kung saan tayo nanggaling,” pagtatapos ng filmmaker.

Ang tanging nag-uugnay sa tao at panahon ay alaala. At mahalaga ang hindi paglimot sa panahong nakalipas upang hindi mamamatay ang mga alaala mula sa mga taong pinahahalagahan. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita