Pinasinayaan na ng House of Representatives (HOR) ang pagsusuri ng panukalang ₱6.793 trilyong national budget para sa Fiscal Year 2026 nitong Lunes, Agosto 18, 2025.
Ang nasabing pagpupulong ay pinangunahan ni Leyte 1st District Representative at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at isang briefing na isinagawa naman ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Ang DBBC ay binubuo ng mga sumusunod: Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto, Department of Economy, Planning, and Development (DEPDEV) Secretary Arsenio Balisacan, at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr.
Ayon kay House Speaker Romualdez, siniguro ng HOR na masusi nilang bubusisiin ang proposed national budget para sa taong 2026, upang masiguro na ang bawat piso ay makatulong upang maabot ng pamahalaan ang hangarin nitong bigyan ng mas magandang buhay ang bawat pamilyang Pilipino.
Idiniin din ni Romualdez ang kahalagahan ng kaalaman ng taumbayan kung saan napupunta ang perang pinaghihirapan nilang pagtrabahuhan, kung paano ito pinaplano, kung saan ito inilalaan, at kung paano ito ginagastos.
Ipinaalam din ng House Speaker sa DBCC na sisimulan na ng House ang implementasyon ng mga mahahalagang pagbabago sa deliberasyon ng budget ngayong taon tulad ng pag-abolish sa mga “small commitee” na nagsasama-sama ng mga institutional amendments sa National Expenditure Program (NEP), at ang pag-imbita sa mga Civil society organizations upang obserbahan ang mga budget hearing na isasagawa ng HOR.
Ayon pa sa kaniya, ang national budget ay hindi lang “ledger,” kung hindi isang “vision” at isang comprehensive plan upang pagkonektahin ang mga komunidad, pababain ang presyo ng pagkain, pataasin ang kalidad ng edukasyon, pagtibayin ang healthcare system, bumuo ng mga pagkakakitaan para sa mamamayan, at protektahan ang soberanya ng bansa.
Present din sa deliberasyon sina Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, Senior Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, Committee on Appropriations senior vice chairperson Albert Garcia, House leaders at iba pang House members.
Matatandaang noong Fiscal Year 2025, ₱6.352 trilyon ang panukalang budget, mas mababa kumpara sa ₱6.793 trilyon ngayong taon.
Vincent Gutierrez/BALITA