Mahilig ka rin bang kumain ng itlog, lalo na kung ito ay nilabon? Kung oo, ibig sabihin, nabibigyan mo ang katawan mo ng mahahalagang nutrisyong kinakailangan nito.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, tinawag ni Dra. Maidenlove Paner—isang cardiologist sa Manila Medical Center—ang itlog bilang pagkaing pinakamura ngunit pinakamarami ring sustansya.
Ayon sa kaniya, “You start your breakfast with protein, like egg. ‘Yon ‘yong pinakamurang food na sobrang daming nutrisyon, na mga bata o matanda importante may egg.”
Kaya naman binasag ni Dra. Paner ang maling paniniwala ng marami na tataas daw agad ang kolesterol kapag kumain ng itlog.
“Hindi ‘yon nakakataas nang sobra ng kolesterol,” anang doktora. “[E]gg is healthy, especially for elderly patients na kailangan nila ng protein and muscle build up. Egg should be part of their meal.”
Batay sa suhestiyon ni Dra. Paner, ang isa hanggang dalawang beses na pagkonsumo ng itlog ay sapat na kada araw.
“Hindi naman sampu, ‘di ba. Para lang may protein,” aniya.
Sa isang artikulo ni Jon Cooper sa WebMD, inilarawan niya ang protein bilang kritikal na bahagi ng proseso na gumagatong sa enerhiya ng isang tao at nagdadala ng oxygen sa katawan.
“It also helps make antibodies that fight off infections and illnesses, and helps keep cells healthy and create new ones. Plus, protein helps you feel full, so it's often part of a healthy weight-loss plan,” dugtong pa niya.
Pero ano pa nga bang mga nutrisyon ang matatagpuan sa itlog bukod sa protein? Mayroon itong vitamin D, vitamin E, vitamin B6, calcium, at zinc.
Batay pa sa isang pag–aaral noong 2022, matatagpuan din umano rito ang lutein at zeaxanthin. Kapuwa mga nutrisyong makakatulong upang mapababa ang panganib na magkaroon ng mga eye disorder ang isang tao tulad ng katarata at macular degenerations.