Hinamon ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) Chairperson Benjo Basas ang mga politiko at iba pang opisyal ng gobyerno na pag-aralin ang kani-kanilang anak sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas.
Sa isang Facebook post ni Basas noong Linggo, Agosto 17, sinabi niyang kinakailangan umano ng isang batas na magmamandato para maobliga ang mga politiko at opisyal sa nasabing hamon.
“We need a law requiring all elected politicians and other high-ranking officials to enroll their children in public schools from Kinder to Grade 12. At dapat dumalo sila sa PTA meeting,” saad ni Basas.
Ngunit tila alanganin si Basas kung sinong mambabatas ang magsusulong sa ganitong klaseng panukala.
Matatandaang kamakailan lang ay binuweltahan ni Basas ang panggigil ni Senador Raffy Tulfo sa Parent Teacher Associations (PTAs) na sa tuwing nagkakaroon ng pulong ay nauuwi sa pangongolekta ng pondo para sa proyekto ng paaralan.
“We have to amend the law na dapat no collection at sana isama roon pati ‘yong mga parents. Hindi dapat [sila] pwedeng kolektahan,” anang senador.
Ngunit ayon kay Basas, boluntaryo at hindi raw pinipilit ng mga guro na magbigay ng pondo ang mga magulang.
“Sa katunayan, sa polisiya ng DepEd [Department of Education], kahit pa magkasundo ang mga magulang sa isang proyekto, mananatili itong boluntaryo,” dugtong pa niya.
Samantala, ayon naman sa Alliance of Concerned Teachers–National Capital Region Union (ACT-NCR), hindi umano PTA ang problema kundi ang kakulangan ng gobyerno sa ibinibigay na pondo sa sektor ng edukasyon na nagtutulak sa kaguruan at magulang na gumastos gamit ang sariling pera.