Nangalampag na ang isang grupo ng mga guro hinggil sa natengga na raw nilang medical allowance.
Ayon sa pahayag ng Teachers' Dignity Coalition (TDC) nitong Lunes, Agosto 18, 2025, iginiit nilang matagal na raw na pangangailangan ng mga pampublikong guro ang nasabing medical allowance na nagkakahalaga ng ₱7,000.
"Public school teachers badly need the cash to cover their medical expenses, particularly the mandated annual medical examination, which most teachers have paid for out of their own pockets," anang TDC.
Dagdag pa ng TDC, "While the Executive Orders prescribes the benefit for fiscal year 2025, delays in policy implementation have left our teachers waiting for months."
Bunsod nito, direktahan ng umapela ang TDC sa Department of Budget and Management (DBM) at kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
"We need clarity and decisive action, and we appeal to the President and the DBM Secretary to resolve this without further delay," anila.
Matatandaang sa ilalim ng Executive Order No. 64 na pinirmahan ni PBBM, maaaring makatanggap ng cash o health maintenance organizations (HMOs) ang public teachers.
Habang noong Hulyo 1 naman nang unang humiling ang TDC na mailabas na ang naturang benepisyo para sa agarang pagtanggap ng mga guro ngunit hanggang ngayon ay nananatiling mailap umano ang dibursment ng nasabing medical allowance.