Nagsalita na ang isa sa mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na Alvin Sarzate hinggil sa isyu ng umano'y pag-aaway ng Duterte supporters at ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque, na kumalat sa isang viral video.
Batay sa mga lumabas na ulat na ayon naman sa viral video ni Cecil M. Arceño, umusbong ang tensyon at diskusyon sa pagitan ng mga "DDS" sa The Hague, Netherlands dahil lamang umano sa "humba," sa selebrasyon ng kaarawan ni Sarzate noong Biyernes, Agosto 15, sa Duterte Street sa The Hague.
Umabot pa raw sa puntong tila nakipagsagutan pa si Roque nang makuwestyon daw ang paglantak niya ng humba, at sinabing babayaran niya ito.
Sinisisi rin ng ilang Duterte supporters ang isang nagngangalang "Aldo" na siya raw may puno't dulo ng kaguluhang ito.
Sa kaniyang Facebook page na "Alvin and Tourism," ipinaliwanag niya ang konteksto patungkol sa nabanggit na video. Aniya, hindi pagkain o tungkol sa humba ang ugat ng hindi pagkakaunawaan sa kanilang grupo.
Ang naging dahilan daw ng tensyon sa kaniyang birthday celebration ay usaping pampolitika at hindi ang inihain nilang ulam.
“Can you imagine the headline? Because of humba, nag-away ang mga DDS? Ang babaw naman kung iyon ang magiging dahilan,” pahayag ni Sarzate sa kaniyang Facebook Live.
Hindi raw siya makapaniwalang mauuwi sa ganoong isyu ang kaniyang 33rd birthday. nakaramdam daw siya ng pagka-shock nang ibalita pa ng mga media outlet ang nangyari.
"Hindi po kami nag-away-away, o ang mga DDS dahil sa humba," aniya.
"That particular contextualization is far from the truth."
"Hindi po kami nag-away dahil sa humba. Nagalit po ang isa nating kababayan kasi I think meron na silang friction ni Aldo, which is normal in this world, where democracy is alive and well," paliwanag ni Sarzate.
Civil daw ang pakikitungo ni Sarzate kay Roque
Ayon pa sa kaniya, humingi rin ng dispensa si dating presidential spokesperson Harry Roque matapos na magkaroon ng mainit na palitan ng salita sa ilang Duterte supporter sa kasagsagan ng salusalo.
Paulit-ulit na nilinaw ni Sarzate na walang kinalaman ang humba sa kung anuman ang pinagtatalunan nila sa nabanggit na video.
Hindi rin daw sila nag-away ni Roque nang mga sandaling iyon.
Ang humba o pata humba ay isang putaheng katutubo sa Pilipinas na may pata ng baboy, inasnang maitim na munggo, saging na saba, dahon ng laurel, kalamansi, bawang, kayumangging asukal, sili, mani, toyo, oregano, suka, itlog at tubig.