Hindi katanggap-tanggap ang ‘Filipinx’ para kay Commissioner Benjamin Mendillo, Jr. ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) bilang pamalit sa mga salitang “Filipino” o “Filipina.”
Sa panayam nito sa DZMM kamakailan, hindi sinang-ayunan ni Mendillo ang pagkilala sa gender-neutral na terminong “Filipinx” sa kabila ng pagkakadagdag nito sa Dictionary.com bilang pagtukoy sa mga taong ipinanganak bilang Pilipino o may dugo nito, partikular sa mga naninirahan sa Estados Unidos.
“Ito’y hindi katanggap-tanggap sapagkat ito ay nagbubunsod ng maling pagbasa,” aniya.
Idinagdag din ng komisyuner na dahil importante ang “o” at “a” sa wikang Filipino, ang pagbabawas ng mga letrang ito sa Filipino at Filipina o “morphing,” ay magdudulot ng pagbabago ng salita.
“Makapangyarihan po kasi sa atin ‘yong letrang 'o' at 'a' sapagkat kapag ‘yan ay inilagay mo sa isang salita, nagbabago ‘yong kasarian nito. Lalo na sa atin ang ponemang 'o' ay nauukol sa lalaki tapos kapag 'a' naman, para sa babae,” saad nito.
Ipinaliwanag din niya na may mga salitang hindi sinasang-ayunan ng pagpapalit sa “o” at “a” tulad ng “manggagawa” at “manghuhula” dahil natural na hindi binabagay ang mga salitang ito sa kahit na anong kasarian.
Dahil kabuhol ng wika ang kultura, pinahahalagahan ng KWF ang pagtataguyod dito, at inaadbokasiya nitong hindi dapat hayaan ng mga Pilipino na unti-unti itong makalimutan o hindi mabigyang pansin sa kagustuhan na pag-aralan ang ibang wikang dayuhan o ang mga impluwensiya nito.
Sa kaugnay na balita, ang salitang “Filipinx” ay isang gender-neutral term na ginawa ng Filipino diaspora sa US bilang alternatibo sa “Filipino” at “Filipina,” na hango sa Latin American community, kung saan ang ibang miyembro nito ay kinikilala bilang “Latinx” bilang simbolo ng dekolonisasyon at pagsuporta sa gender fluidity o pakikibagay ng salita sa kahit na anong kasarian.
Noong 2020, opisyal itong inilagay sa Dictionary.com bilang termino para sa mga Pilipino sa dugo o pamamagitan ng angkan, partikular para sa mga naninirahan sa Estados Unidos.
Dahil dito, nanganak ito ng iba’t ibang argumento tungkol sa identidad, kolonyalismo, at ang kapangyarihan ng lengguwahe.
Sean Antonio/BALITA