December 21, 2025

Home FEATURES Balitang Pag-Ibig

ALAMIN: 10 paraan ng pagsasabing 'Mahal Kita' gamit ang mga wikang Pinoy

ALAMIN: 10 paraan ng pagsasabing 'Mahal Kita' gamit ang mga wikang Pinoy
Photo courtesy: Pexels, Unsplash

Kilala ang mga Pinoy bilang masisiyahin, matatapang, at matatapat na mga tao. Pero mayroon din isang katangian na bukod tangi sa mga Pilipino — ang pagiging mapagmahal.

Ngayong Buwan ng Wika at National Couple’s Day, alamin ang sampung paraan ng pagsasabing ‘Mahal Kita’ gamit ang mga Wikang Pinoy.

1. Tagalog - “Mahal kita”

“Mahal kita” ang ekspresyon ng pagmamahal ng mga magsing-irog na Tagalog na mula sa mga probinsya ng Batangas, Rizal,, Quezon, Cavite, at Bulacan, at Bataan. Ang tagalog na ekspresyong ito ay ang isa sa mga pinakagamit na salin ng salitang mahal kita sa lahat ng wika sa Pilipinas.

Balitang Pag-Ibig

'Hard launch malala!' Tricia Robredo engaged na pala, sino ba ang fiancé niya?

2. Ilokano - “Ay-ayaten ka”

Ang pagsasalin ng salitang mahal kita sa wikang Ilokano ay “Ay-ayaten ka.” Ito ay ang wikang gamit na gamit ng mga taga-Ilocos bilang pagpapakita ng pag-ibig at pagsinta sa taong minamahal.

3. Bikolano - “Namumutan ta ka”

Ang mga Pilipino naman mula sa rehiyon ng Bikol ay may kakaibang paraan upang sabihin sa kanilang mga minamahal na sila ay kanilang iniibig. “Namumutan ta ka” ang direktang translasyon ng salitang mahal kita sa wikang Bikolano.

4. Hiligaynon - “Palangga ta ka”

Kung mula naman sa mga taga-Iloilo ang tatanungin, “Palangga ta ka” ang salin nila sa matamis na salitang mahal kita. Isa rin ito sa pinakagamit na wika sa bansa, lalo na sa mga rehiyon sa Visayas.

5. Kapampangan - “Kaluguran daka”

Alam ng mga Pinoy na isa ang mga Kapampangan sa mga pinakamagagaling na kusinero o kusinera sa bansa. Sabi nga sa kasabihan, “The way to a man’s heart is through his stomach,” tama naman iyon. Ngunit hindi hamak na wala na mas tatamis pa sa isang Kapampangan na sasambitin sa’yo ang mga katagang “Kaluguran daka.”

6. Pangasinense - “Inaro ta ka”

Mula sa malayong probinsya ng Pangasinan, isa ring kilalang wika sa bansa ay ang Pangasinense. Ang mga katagang “Inaro ta ka” ay kanilang sinasambit upang iramdam sa kanilang mga iniibig ang kanilang labis na pagmamahal sa mga ito.

7. Cebuano - “Gihigugma tika”

Sa wika ng mga taga-Queen City of the South, ang Cebuano ay hindi lamang prominente sa mga rehiyon ng Visayas, kung hindi kalat sa buong bansa ang pagiging tanyag ng kanilang wika. “Gihigugma tika,” yan ang kanilang wika ng pagsinta.

8. Waray - “Hinigugma ko ikaw”

Ang Waray, wikang gamit ng mga Samar at Leyte, ay isa ring kilalang wika sa bansa. Ito ay isang wikang hindi nalalayo sa mga Cebuano. Kung isasalin man ang mga katagang mahal kita, ito ay “Hinigugma ko ikaw” sa kanila.

9. Chavacano - “Ta amá yo contigo”

Isang wikang hango sa wikang Espanyol, ang Chavacano ay tanyag sa mga isla ng Mindanao, partikular na sa rehiyon ng Zamboanga. Kakaiba ang salin nila sa wikang mahal kita, “Ta amá yo contigo,” ‘yan ang sinasambit nila.

10. Tausug - “Bang kaw paadduh ku”

Mula sa katimugan ng Pilipinas, ang mga Tausug ay nagtataglay din ng kakaibang salin sa wika ng pag-ibig. Kung isasalin ang katagang mahal kita, sa wikang Tausug ito ay “Bang kaw paadduh ku.”

Iba-iba man ang paraan at wika kung paano bigkasin ang pagsinta, ang pinakamahalaga ay totoo ang iyong nadarama.

Batiin mo na ngayong National Couple’s Day iyong kinakasama, asawa, o maging iyong jowa. Ngayon ay iparamdam mong espesyal sila.

Vincent Gutierrez/BALITA