Isa sa mga gumulantang sa netizens ang rebelasyon ng aktres na si Liza Soberano sa tatlong taon na pala nilang pagiging hiwalay ng aktor na si Enrique Gil.
Pero kung tutukuying mabuti, hindi na bagong makarinig ng hiwalayan ng mga celebrity couples mula pa sa nagdaang kalahating dekada.
Enero 2020, inamin ng aktres na si Nadine Lustre ang hiwalayan nila ng aktor na si James Reid na nangyari noon pang Disyembre 2019.
Ganoon din ang pag-aanunsyo ng aktres na si Kathryn Bernardo sa Instagram post nito noong Nobyembre 2023, sa kontrobersyal na hiwalayan nila ng aktor na si Daniel Padilla na karelasyon niya sa loob ng mahigit isang dekada.
Bukod pa sa LizQuen, JaDine, at KathNiel, marami pang mga sinusubaybayang love teams na bigong makita ng marami sa yugto ng litanyang ‘they lived happily ever after’ na kadalasang nasasaksihan sa katapusan ng bawat pelikula.
Ngunit hindi piksyon ang relasyon at pampersonal na buhay ng mga artistang nabanggit. Totoo silang tao. Karamihan ay may kani-kaniyang imperpeksyon at kakulangan. Hindi maiiwasan sa isang relasyon ang makipaghiwalay sa minsan nilang minahal.
Ngayong Agosto 18, 2025, ipinagdiriwang ang National Couples Day.
Ano nga ang 10 bagay na maaaring iwasan upang hindi makipag-split ang iyong boyfriend o girlfriend?
Narito ang 10 sa ilang binanggit ng Marriage, isang website tungkol sa mga usapin ng pag-aasawa at pakikipagrelasyon, na nagiging dahilan kung bakit naghihiwalay ang mga magkarelasyon:
1. Kawalan ng maayos na komunikasyon
Ang kawalan ng maayos na pakikipagkomunikasyon ay maaaring magdulot ng lamat sa ugnayan ng dalawang tao.
Mahalagang maiwasan ang ganitong bagay upang hindi mauwi sa madalas na pagtatalo at hindi pagkakaintindihan ang pagsasamahan ng isang magkarelasyon.
2. Walang emosyunal na koneksyon sa isa’t isa
Isa rin sa madalas na dahilan kung bakit naghihiwalay ang magkarelasyon ay dahil sa kawalan ng pang-emosyunal na koneksyon sa isa’t isa.
Mahalaga na bukas ang kamalayan mo sa emosyon ng taong minamahal mo. Dahil kung hindi, maaaring mauwi sa matamlay na sitwasyon ang inyong pagsasamahan.
3. Hindi pagiging magkaibigan
Madalas sa mga nagiging magkasintahan ay itinuturing muna ang kapuwa nila na magkaibigan. Isa ito sa pinakamahalagang sangkap upang magtagal ang isang relasyon.
Maging ang mga mag-asawa ay pinahahalagahan ang “marital friendship” upang hindi mawala ang espesyal na pakikipag-ugnayan nila sa kanilang kapareha.
4. Problema sa pera
Isa rin ang ang pagkakaroon ng problema sa pera o pampinansyal sa nagiging lamat ng isang relasyon. May mga taong magkaiba ang paniniwala sa paraan ng paggamit nila ng pera.
Maraming salik sa bagay na ito ang madalas pagtalunan ng isang magkasintahan: usapin sa pag-iipon, pagtatago ng pera, pagbabahagi ng badyet sa isa’t isa, at labis na pagwawaldas.
5. Hindi pagiging tapat
Madalas ang bagay na ito sa mga pangunahing rason kung bakit naghihiwalay ang dalawang tao.
May mga punto sa kanilang pagsasamahan na hindi nagiging tapat ang karelasyon nito na nagiging sanhi ng pagkasira ng tiwala ng isa sa kaniyang kapareha.
6. Selos
Nararanasan mo ba o ng iyong kapareha ang magselos?
May mga pangyayari sa magkasintahan kung saan humahantong sila sa labis ng pagseselos. Dahil dito, madalas na may pagkakataong binibigay mo ang ilang akses ng mg pampersonal mong account o laging pagbibigay ng impormasyon kung nasaan ka upang mabawasan ang pagseselos ng iyong boyfriend o girlfriend.
Ngunit ang bagay na ito ay maaaring mauwi sa hiwalayan dahil may posibilidad na makaramdam ng pagkasakal ang iyong kapareha.
7. Maabusong pag-uugali
Malaking bagay rin sa isang relasyon na malaman mo kung ikaw ay nakakaabuso na sa iyong kapareha.
Maging emosyunal o pisikal man ang uri ng pang-aabuso, nagdudulot ito ng malaking lamat sa inyong pagsasamahan.
8. Hindi pagkakatugma sa panseksuwal na pangangailangan
Isa sa mahahalagang bagay sa relasyon ay ang pagpapakita ng ekspresyon ng pagiging malapit sa isa’t isa at apeksyong pampisikal.
Maaaring sabihin na hindi lang tungkol sa pakikipagtalik ang isang relasyon ngunit hindi puwedeng ituring na hindi na nila ito kailangan.
Isa sa kakulangan ng pagkakaroon ng sandali sa ganitong bagay sa pagitan ng magkarelasyon ay maaaring magdulot ng pagkatamlay ng kanilang samahan.
9. Madalas na pag-aaway o pagtatalo
Sino nga ba ang magnanais na laging makipagtalo o makipag-asawa sa kanilang kapareha?
Ang bagay na ito ay isa sa mga pinakamadalas na sanhi ng paghihiwalayan ng isang magkarelasyon.
Ang madalas kasing pagtatalo at pakikipag-away maging sa maliliit na rason ay nagdudulot ng pagsasawa ng isang taong makipag-ugnayan sa kaniyang kapareha.
10. Hindi pagpapatawad
Kahit gaano man iwasang magkamali, hindi maitatangging tao lamang ang bawat magkarelasyon.
May puntong hindi nagagawang magpatawad ng isang tao sa mga malalaki o maging maliliit man na pagkakamali ng kaniyang kasama.
Pero hindi rin masamang tanggapin at palipasin ang pagkakamali ng isang tao sa nakaraan kung siya ay matapat at seryosong humihingi ng tawad sa iyo.
Ilan dito ang nararanasan mo o ng iyong kasintahan? Mahalagang ayusin ang ganitong bagay upang hindi kayo matulad sa mga love team on screen na hindi nauuwi sa happy ending story nang hindi inaasahan.
Mc Vincent Mirabuna/Balita