Dalawang bata ang patay matapos na malunod sa magkahiwalay na insidente sa Rodriguez, Rizal.
Sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, dakong alas-11:30 ng umaga ng Linggo, Agosto 17, nang malunod ang apat na taong gulang na batang lalaki, Kindergarten pupil, at residente ng Brgy. San Rafael, Rodriguez.
Naganap umano ang insidente sa Wawa River, sa Sitio Inigan, sa Brgy. San Rafael.
Nauna rito, nagpaalam umano ang biktima at dalawa pang batang kasama nito na magtutungo sa ilog upang maligo.
Gayunman, makalipas ang ilang sandali, ang dalawang batang kasama ng biktima na lang ang umuwi.
Kaagad umanong hinanap ng mga kaanak ang biktima sa ilog at nang matagpuan ito ay kaagad na isinugod sa Casimiro Ynares Hospital ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.
Samantala, dakong alas-7:00 naman ng gabi ng Linggo nang matagpuan ang bangkay ng isang lalaki, na tinatayang nasa 13 hanggang 18-anyos sa Marikina River Spillway, sa Brgy. San Isidro, sa Rodriguez.
Lumitaw sa imbestigasyon na bago nalunod ay nangingisda umano ang biktima sa lugar.
Nagtungo umano ang biktima sa spillway at tumalon ngunit minalas na tinangay ng malakas na agos at hindi na nakita pang lumutang.
Kaagad namang nagsagawa ng search at rescue operation ang mga awtoridad ngunit wala nang buhay ang biktima nang matagpuan.