Nagpahayag ng pasasalamat si Unkabogable Star Vice Ganda sa mag-asawang sina Sen. Bam Aquino at Ting Aquino matapos siyang batiin ng mga ito sa matagumpay na pagtatanghal ng kanilang “Super Divas Concert” ni Asia's Songbird Regine Velasquez-Alcasid, na ginanap noong Agosto 8 at 9 sa Smart Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City.
Sa Instagram story, ibinahagi ni Vice Ganda ang kaniyang tuwa sa naging suporta ng mag-asawa, lalo na't personal pa silang nanood sa nabanggit na concert, at nag-trend pa nga ang pagsayaw ng senador nang hiritan ng komedyante.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bam, sumayaw sa ‘Super Divas concert’ nina Regine at Vice Ganda
Ibinida ni Vice ang letter na ipinadala sa kaniya ng mag-asawa, bilang pag-congratulate sa kanila ni Ate Reg.
Mababasa, "Dearest Vice, You are the Superdiva force to reckon with. The Philippine creative space is stronger with your bright light. Thank you for inspiring to us all to be brave and bold as you lit the stage on fire. Congratulations!"
Text caption naman ni Vice, "Thank you Sen @bamaquino !!! Happy to see you having so much fun during the concert!"
Matatandaang naging kontrobersiyal ang concert nina Vice Ganda at Regine dahil sa "jet ski" skit na patama kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ikinabanas ng DDS o Diehard Duterte Supporters.
"Nothing beats a jet ski holiday, right now from Manila to the West Philippine Sea via jet ski. Get unlimited water bombing from Chinese vessels and a free trip to The Hague by the ICC. Promo applies to DDS only. Pinklawans and BBMs are prohibited. Huwag n'yo akong subukan, mga put*** ina n'yo!" ani Vice.
KAUGNAY NA BALITA: Vice Ganda, binanatan ng Duterte supporters dahil sa paandar sa concert
Dahil dito, nanawagan naman ang Duterte supporters na ideklara siyang persona non grata sa Davao City, at i-boycott ang brands na kaniyang ineendorso.
Bagama't hindi dineklarang persona non grata, naglabas naman ng resolusyon ang Davao City Council na nagkokondena sa mga naging hirit ni Vice Ganda laban sa dating pangulo.
Inihain ni Konsehal Danilo Dayanghirang, resolusyon ang naging tugon ng konseho matapos ang maraming panawagang ideklarang persona non grata si Vice Ganda sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Dayanghirang, naniniwala silang ang pagkondena sa naturang pahayag ay may kaparehong bigat. Idinagdag din niya na may mga kapwa konsehal na nagmungkahi ng mga amyenda sa resolusyon.
KAUGNAY NA BALITA: Davao City Council, naglabas ng resolution; kinondena 'jet ski' joke ni Vice Ganda!