Umani ng kritisismo ang bilyon-bilyong pondong nakatakdang mailaan sa 2026 para sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD).
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ₱11 bilyon ang kabuuang nakalaan para sa programang TUPAD sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Inaasahan namang makakatanggap ng ₱44.38 bilyong alokasyon ang DOLE, na mas mababa kumpara sa budget nito ngayong 2025 na nasa tinatayang ₱51.20 bilyon.
Ang TUPAD ay programa ng pamahalaan kung saan ang bawat benepisyaryo nito ay kinakailangang tumugon sa mga community clean-up, clearing operations at mga pampublikong rehabilitasyon, kung saan sila nakakatanggap ng buwanang payout mula sa gobyerno.
BASAHIN: PBBM, pagagalawin mga TUPAD beneficiaries para sa paglilinis ng mga estero
Bunsod nito, tila hindi naman naiwasan ng ilang netizens na maghimutok sa pondong ilalaan para sa nasabing programang iginigiit nilang nagtuturo lang umanong maging tamad ang bawat benepisyaryo nito.
“Dapat sa kanila ang tawag tamad hindi TUPAD!”
“Mga nakatuwad lang naman sa mga kanal ‘yang mga ‘yan at hindi naglilinis!’
“Mas madami pang mga TUPAD member kaysa sa mga basura.”
“Tax namin nangungunsinti lang sa mga tamad eh.”
“Namamatay na tayo sa hirap!!! Ang administrasyon ito lalo tinuruan maging walang kwenta mga Pinoy!”
“Kaunting walis, payout agad!”
Samantala, mula sa proposed budget na ₱6.793 trilyong pondo para sa 2026, muling matatanggap ng Department of Education (DepEd) ang pinakamalaking alokasyon na may ₱928.5 bilyon. Sinundan ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may ₱881.3 bilyon at Department of Health (DOH) na may ₱320.5 bilyong alokasyon.