Limang taon na ang nakalipas, inakala ni Rhoubrick “Robi” Balboa na mananatiling pangarap na lamang ang kaniyang hangaring maging inhinyero.
Nagmula siya sa isang broken family at lumaking walang "responsableng" magulang na gumabay at sumuporta sa kaniya habang lumalaki.
Ayon sa kaniyang viral Facebook post, natanggap na niya noon ang buhay na tila itinakda na para sa kaniya—isang buhay na walang maliwanag na kinabukasan.
“‘AKO SI ROBI, WALANG NAGPAARAL PERO GRUMADUATE NG ELECTRICAL ENGINEERING,’” aniya sa kaniyang post.
“May limang taon na rin ang nakakaraan, no’ng akala ko hanggang pangarap na lang ang maging isang inhinyero. Produkto kasi ako ng sirang pamilya, walang mga responsable at matatawag na magulang.”
Hindi tulad ng ibang nakaririnig ng mga salitang pampalakas-loob mula sa kanilang mga magulang, iisa lamang ang natatandaan niyang mensahe mula sa sarili niyang magulang: “Walang mararating.”
Ang mapait na katotohanang iyon ang nagsindi ng apoy sa kaniyang determinasyong baguhin ang kaniyang kapalaran at tahakin ang sarili niyang landas.
Nang mangyari ang pandemya ng Covid-19, nag-apply si Robi sa isang kilalang unibersidad para kumuha ng degree program na Electrical Engineering.
Hindi niya malilimutan ang araw na tinanggap siya sa Technological University of the Philippines (TUP), hindi lamang dahil libre ang matrikula, kundi dahil mataas din ang kalidad ng edukasyon dito.
Gayunpaman, nanatili ang malaking suliranin: kawalan ng pinansyal na suporta.
Napagtanto ni Robi na kailangan niyang magtrabaho habang nag-aaral. Ang setup ng online classes noong pandemya ang nagbigay- daan upang sabay niyang magawa ang dalawa—kumita at mag-aral.
Nagsimula siya bilang barista at service crew. Doon niya unang natikman ang totoong hamon ng buhay—na ang pera ay kinikita sa pamamagitan ng walang humpay na pagsusumikap.
Gayunman, dala ng determinasyon at pananampalataya, nalagpasan niya ang unang taon.
Pagsapit ng ikalawang taon, habang papalapit na ang face-to-face classes, kinailangan niyang dagdagan ang kita para sa panggastos sa araw-araw. Naging food delivery rider siya, nagtatrabaho nang hanggang 18 oras kada araw, sa ulan man o sa init ng araw.
At kahit ganoon, nagpatuloy siya.
Sa kaniyang tiyaga, nakapag-ipon siya ng sapat para sa bayad sa dormitoryo at tuluyang nakabalik sa normal na buhay sa campus.
Nangangahulugan din ito ng paghahanap ng panibagong raket—bilang online sales agent at customs escort. Unti-unti, nakabili siya ng electrical tools, paghahanda sa trabahong matagal na niyang pinapangarap bilang electrical contractor.
Mahal na mahal ni Robi ang electrical work, kahit bago pa niya tahakin ang kursong engineering.
Ipinagpapasalamat ni Robi ang kanyang tagumpay, hindi lamang sa sariling determinasyon, kundi pati na rin sa mga taong naging dahilan upang siya’y magpatuloy.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Robi, natanong siya kung anong balak niyang gawin matapos ang graduation.
Tapat niyang sagot, magpapahinga raw muna siya. Aminado siyang napagod daw ang lahat sa kaniya maging ang puso.
"Pahinga po. Napagod po sa lahat maging ang puso," aniya.
"Mas bagong bersyon."
"Medyo magla-lie low muna at gagalaw nang palihim."
Nasabi rin ni Robi na ngayon pa lamang nagsi-sink in na degree holder na siya.
"When 'SOMEDAY' is no longer a dream — finally, naging degree holder din. Ngayon lang nag sink-in. Nakalaya na sa survival mode na 'yan," aniya pa.
Sa huli, ang pangalang “Ako si Robi” ay hindi na lamang simpleng pahayag—ito’y naging simbolo ng tiyaga, kakayahang mabuhay, at pangarap.