Patay ang isang lalaking magsasaka matapos sumabog ang dinamitang kaniya umanong ipinagyabang sa inuman.
Ayon sa mga ulat, nangyari ang insidente sa Quezon habang nakikipag-inuman daw ang biktima sa kaniyang mga kaibigan.
Nagkakasiyahan daw noon ang biktima at kaniyang mga kainuman nang mapagdesisyunan niyang kuhanin ang improvised na dinamita mula sa loob ng kaniyang bahay.
Matapos kuhanin, hindi pa raw nakontento ang biktima at sinindihan ang mga dinamitang kaniyang bitbit. Ilang sandali pa, sumabog na ito.
Napuruhan ang kaniyang mga kamay at iba pang bahagi ng katawan at agad siyang naisugod sa ospital.
Bagama’t umabot pang buhay sa ospital, kalaunan ay pumanaw rin ang biktima.
Hinala ng pulisya, gamit din ng biktima sa dynamite fishing ang nasabing dinamita lalo na’t talamak umano sa kanilang lugar ang naturang ilegal na paraan ng pangingisda.