Makukulay at hitik sa kasiyahan ang mga pista sa Pilipinas. Mula sa “Panagbenga Festival” ng Baguio City sa Luzon, “Sinulog Festival” ng Cebu sa Visayas, maging ang “Hinugyaw Festival” ng Cotabato sa Mindanao.
Sa lahat ng mga pistang ipinagdiriwang sa buong bansa, may isang katangi-tangi, kung kaya’t tinagurian itong “King of Festivals” — at ito ay ang “Kadayawan Festival” sa Davao.
Ang “Kadayawan Festival” ay matatandaang nagsimula noong dekada ‘80s, naunang ipagdiwang sa mga “remote areas” at “indigenous communites” sa Davao. Ito ay isinasagawa upang ipakita ang mayamang kultura ng mga lokal na tribo sa nasabing lugar. Hindi pa Kadayawan ang tawag dito, kung hindi “Apo Duwaling,”
Ang “Apo Duwaling” ay isang pista kung saan kinikilala ang mahahalagang produkto, atraksyon, maging mga bagay na sa Davao lang nakilala.
Ang pistang “Apo Duwaling” ay pinasinayaan ng dating Mayor ng Davao na si Zafiro Respicio upang kilalanin ang Bundok Apo, ang pinakamataas na bundok sa bansa, ang Durian, ang tinaguriang “King of Fruits,” na isang produkto ng Davao, at ang Waling-waling Orchid, na isang bulaklak na sikat sa rehiyon.
Ngunit ito ay pinalitan ni dating Davao City Mayor at Philippine President na si Rodrigo Duterte. Mula sa “Apo Duwaling,” ginawa niya itong “Kadayawan.”
Nanggaling ang salitang “Kadayawan” sa salitang “madayaw,” isang lokal na salita na ang ibig sabihin ay “good (mabuti),” “valuable (mahalaga),” at “superior (nakatataas),” kung kaya’t ito ang sinasabing “hari ng mga pista” sa buong kapuluan.
Ang pistang ito rin ay inorganisa rin upang pag-isahin ang mga Dabawenyo mula sa pagtatapos ng Martial Law noong 1986, at bigyang pansin ang mga pangkat-etnikong Ata-Manobo, Bagobo-Kalata, Bagobo-Tagabawa, Matigsalug. Kasama rin ang mga grupo ng Iranun, Kagan, Maguindanao, Maranao, Sama, at Tausug.
Sa paglipas ng panahon, ito ay patuloy na umusbong bilang mas makulay at isang enggrandeng pista ng masaganang ani at maipagmamalaking tradisyon ng mga Dabawenyo.
Ito ay isang linggong selebrasyon ng buhay, pagbibigayan dulot ng masaganang ani, at ang pagpapakita ng malalaki at kaakit-akit na karo, mga “street parades,” pati ang presentasyon ng kakaiba nilang tradisyon.
Ibinahagi naman ng City Government of Davao sa kanilang Facebook post ang mga araw at gawain sa selebrasyon ng nasabing pista ngayong Kadayawan 2025.
August 15 (Friday)
1PM-6PM | Rizal Park
Agong ug Kulintangan
7PM | Rizal Park
Tunog ug Sayaw sa Kadayawan
August 16 (Saturday)
7AM-5PM | People’s Park
Dula Kadayawan
7PM-12MN | San Pedro Square
Konsierto Kadayawan
August 17 (Sunday)
6AM-1PM | Roxas to San Pedro
Pamulak ug Indak-Indak sa Kadayawan – Street Parade
5PM-11PM | San Pedro Square
Indak-Indak sa Kadayawan: The Grand Showdown
Inaanyayahan ng pamahalaang lokal ng Davao na ang bawat Dabawenyo ay makiisa at makibahagi sa taunang selebrasyong ito.
Tunay ngang sa pinagmulan at dahilan, hindi maikakailang ang “Kadayawan Festival” ay ang “King of Festivals” sa Pilipinas.
Vincent Gutierrez/BALITA