Isang senior citizen ang umano'y nawalan ng kaniyang buong ipon matapos mabiktima ng isang scam na nambibiktima sa pamamagitan ng downloadable application.
Ayon sa anak ng biktima na si "Jobelle," dakong 11:00 ng umaga noong Agosto 14 nang makatanggap ng tawag ang kaniyang ama mula sa isang babae na nagpakilalang kawani ng Social Security System (SSS).
Ang nabanggit na umano'y babaeng empleyado ay nag-alok ng assistance sa SSS downloadable application o app na ipinadala ang link sa pamamagitan ng email ng biktima.
Nagkataon namang kailangan ng biktima na mag-generate ng Payment Reference Number (PRN) para sa kaniyang SSS transaction ngunit hindi umano gumagana ang opisyal na SSS mobile app.
Ipinabatid ng tumawag na may “update” umano ang SSS app at hindi na kailangang pumunta sa tanggapan upang makakuha ng PRN. Hiningi nito ang email address ng biktima upang maipadala ang link ng “updated” na app. Kaagad itong na-download at, habang nasa linya ang tumawag, ginabayan siya sa proseso ng pag-install.
Matapos ang apat na minutong pag-uusap, pinayuhan ang biktima na huwag i-turn off ang kaniyang cellphone habang tinatapos ng app ang pag-install. Ngunit makalipas ang higit isang oras, nanatiling “installing” ang app, at hindi na gumagana ang mga button ng cellphone.
Nang dumating si Jobelle sa bahay ng ama, agad nitong pinaghinalaang scam ang nangyari at tinangkang i-turn off ang telepono, ngunit bigong magawa ito. Matapos alisin ang SIM card, natigil ang pag-install ng app.
Pagkatapos nito, natuklasang lahat ng laman ng bank account at e-wallet ng biktima — kabilang ang BPI, BDO, GCash, Maya at Landbank — ay tuluyang nalimas. Sa loob lamang ng dalawang oras, naglaho ang buong ipon ng kaniyang tatay nang hindi nagbibigay ng password, OTP, numero ng telepono o personal na detalye.
Ayon sa anak, agad nilang tinanggal ang app, iniulat sa mga bangko ang insidente, at ipina-block ang mga debit card at online transactions. Nakahanda na rin silang magsampa ng kaso sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.
Nagbabala rin sila sa publiko hinggil sa modus na ito, lalo na’t posibleng targetin ng mga scammer ang mga nakatatandang nangangailangan ng tulong sa paggamit ng mga government-related apps.
Paalala ni Jobelle sa publiko: huwag basta-basta magtiwala sa link, kahit pa sinasabing galing ito sa gobyerno, iwasan ang pagkakaroon ng online access sa lahat ng bank account; panatilihin ang malaking halaga sa account na hindi konektado sa online banking, at limitahan ang halagang nakalagay sa e-wallet at online-accessible na account.
Dagdag pa ni Jobelle, kung bibisitahin ang opisyal na Facebook page ng SSS, nakalagay rito na “We will never call you” at walang ipinadadalang update link sa pamamagitan ng tawag o email.
Pinapayuhan din ni Jobelle ang publiko na i-download lamang ang opisyal na SSS app mula sa Google Play Store o Apple App Store.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Jobelle, sinabi niyang sa suma-total, abot sa milyong piso ang nalimas na pera mula sa savings ng kaniyang tatay.
Tinangka rin daw limasin ng scammer ang time deposit ng kaniyang ama sa isang e-wallet subalit mabuti na lamang at nabigo ito.
"May time deposit po ang Dad ko sa Maya. Sabi po ni Maya nagtry daw po si Scammer na i-cancel si Time Deposit. Buti po hindi umabot sa approval," aniya.
"Marami na rin po nagme-message sa akin. Government-related po ang offer nila na apps like National ID registration kaya nako-convince po ang mga tao, mostly seniors, na safe naman to download... kasi di naman daw banking app ang ida-download," paliwanag pa ni Jobelle.
Samantala, nakipag-ugnayan naman ang Balita sa SSS tungkol sa isyu subalit wala pa silang tugon tungkol dito. Bukas ang Balita sa kanilang panig.