December 14, 2025

Home FEATURES Human-Interest

KILALANIN: Sino-sino ang mga aplikante para sa pagka-Ombudsman?

KILALANIN: Sino-sino ang mga aplikante para sa pagka-Ombudsman?
Photo courtesy: Facebook/government-owned website

Kamakailan, nabakante na ang opisina ng Ombudsman matapos ang 7 taong termino ni dating Ombudsman Samuel Martires noong Linggo, Hulyo 27, kung kaya’t nagbukas ng survey ang JBC para sa 17 aplikanteng posibleng papalit sa posisyon.

KAUGNAY NA BALITA: Judicial and Bar Council, nagpapa-survey para sa mga aplikante ng Ombudsman

Ayon sa Office of the Ombudsman, ang pangunahing tungkulin at pananagutan ng Ombudsman ay ang pagiging boses ng mamamayan at tagapagtanggol dito laban sa kawalang-hustisya ng mga pampublikong opisyal, sa pamamagitan ng pagiimbestiga at pag-uusig ng mga reklamo ng kahit na sino laban sa isang pampublikong opisyal o empleyado, at opisina o ahensya.

Ang Ombudsman ay may fixed term na 7 taon, kung saan ito’y maaari lamang matanggal sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.

Human-Interest

Ambagan nauwi sa Jombagan: Lalaki, binugbog dahil hindi nag-ambag sa Christmas party?

Ito ang mga aplikante at ang kanilang mga kwalipikasyon para sa pagka-Ombudsman.

1. Aguinaldo, Michael G.

Bago maging kasalukuyang Chairperson ng Philippine Competition Commission (PCC), si Aguinaldo ay nanilbihan bilang Chairperson ng Commission on Audit (COA), at Supreme Audit Institution of the Philippines, mula taong 2015 hanggang 2022, sa loob din ng mga taong ito, siya ay naging external auditor ng World Health Organization (WHO), Food & Agriculture Organization, the International Labour Organization, at ng United Nations Industrial Development Organization.

Noon namang taong 2011 hanggang 2015, naging Deputy Executive Secretary ito para sa Legal Affairs of the Office of the President of the Philippines.

At bago ito magsilbi sa pampublikong sektor, nagtrabaho si Aguinaldo bilang law practitioner sa pribadong sektor mula 1992 hanggang 2011, kasama rito ang 17 taong pagtatrabaho sa Romulo Mabanta Buenaventura Sayoc & de los Angeles law firm kung saan siya ay isang partner at miyembro ng executive committee.

Nakuha ni Aguinaldo ang kaniyang titulo sa pagiging Juris Doctor sa Ateneo de Manila University School of Law, kung saang siya rin ay naging faculty member mula 1994 hanggang 2015.

Siya rin ay may Master of Laws degree with special concentration in International Economic Law mula sa University of Michigan sa Estados Unidos.

2. Cruz, Stephen

Si Cruz ay ang kasalukuyang Chairperson ng Philippine Postal Corporation (PHLPost), kung saan siya ay iniluklok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.,noong Agosto 2024.

Nagsimula siya bilang legal officer sa opisina ni dating presidente Ferdinand Marcos Sr. noong 1977 at mula taong 2000 hanggang 2006, naging Presiding Judge ito ng Lucena Regional Trial Court Branch 60.

Mula naman 2006 hanggang 2020, naging Associate Justice ito ng Court of Appeals.

Naging law professor din si Cruz sa iba’t ibang pamantasan tulad ng University of the East College of Law at San Carlos University sa Cebu.

Nakuha ni Cruz ang kaniyang law degree mula sa Ateneo De Manila University School of Law.

3. Caroche-Vestido, Jonie C.

Si Vestido ay kasalukuyang nagmamay-ari ng isang law firm na nagbibigay ng serbisyong legal sa Corporate and Commercial Law, Immigration, Litigation, Labor, at Intellectual Property.

Miyembro rin ito ng Philippine National Police - Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP - IMEG) Advisory Group, at nagsilbi bilang Chief Legal Counsel ni Norman Mangusin o nakilala rin bilang Francis Leo Marcos na inakusahang anak ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., at naaresto dahil sa paglabag sa Republic Act 8050 o ang Optometry Law dahil sa illegal na pagbebenta ng salamin sa mata noong 2020.

Nakuha ni Vestido ang kaniyang law degree mula sa University of Nueva Caceres (UNC) sa Naga City, Bicol.

4. Corpin, Bautista G., Jr.

Kasalukuyang nagsisilbi bilang chairperson para sa Court of Appeals Twentieth Division, na niluklok ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong 2020.

Dati siyang executive director ng Lakas–Christian Muslim Democrats (CMD) political party hanggang taong 2019, at naging associate dean ng Dr. V Orestes Romualdez Educational Foundation College of Law.

5. Benitez, Romeo

Si Benitez ay ang kasalukuyang Undersecretary for External, Legal and Legislative Affairs ng Department of Interior at Local Government na iniluklok ni PBBM noong Mayo 2023.

Siya ay isang eksperto sa local government code at dating naging Director IV ng Legal and Legislative Liaison Service para sa Department of the Interior and Local Government (DILG) Central Office, kung saan siya’y nagturo nagtrain ng mga local government officials tungkol sa local government code.

6. Econg, Geraldine Faith A.

Bago iluklok bilang 11th na Sandiganbayan Presiding Justice ni PBBM noong Enero 2025, nagsilbi si Econg bilang Presiding Judge of Branch 9, Regional Trial Court sa Cebu City, at naging 60th Associate Justice ng Sandiganbayan noong 2016.

Si Econg din ay na-shortlist ng Judicial and Bar Council (JBC) para sa posisyon na deputy Ombudsman para sa Visayas region noong 2014.

Ilan sa mga kasong hinawakan ni Econg ay ang plunder case ni dating senador Ramon “Bong” Revilla noong 2018 at plunder case ni Presidential Chief Legal Counsel Juan Ponce Enrile na may koneksyon sa pork barrel scam, at ang huling 6 coconut levy cases laban sa dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Nakuha ni Econg ang kaniyang law degree sa University of San Carlos sa Cebu bilang cum laude.

7. Epres, Beda A.

Kasalukuyang nagsisilbi bilang commissioner ng Commission on Human Rights (CHR) na iniluklok ni PBBM noong Setyembre 2022.

Kadalasan nasa shortlist ng JBC para sa matataas na posisyon sa Ombudsman (OMB) tulad ng Deputy Ombudsman para sa Luzon, Visayas, at Mindanao, at noong 2021 bilang Deputy Ombudsman for the Military and Other Law Enforcement Offices.

Inilaan din ni Epres ang karamihan ng taon sa kaniyang karera sa Ombudsman, kung saan siya’y nagsimula bilang Graft Investigation and Prosecution Officer I.

Pinamahalaan din nito ang Monitoring Team ng OMB Field Investigation Office (FIO) noong 2008, at naging team leader rin ito ng Intelligence Bureau noong 2009, taong 2010, naging acting director ito ng OMB Intelligence Bureau-FIO at naging opisyal na director noong 2011.

Sumunod ay naging OMB Office of the Special Prosecutor ito hanggang 2016, at naging Director IV of the General Investigation Bureau-A ng FIO I sa Ombudsman.

Nakuha ni Epres ang kaniyang diploma sa Political Science sa Far Eastern University noong 1990, at ang kaniyang law degree mula sa Arellano University School of Law noong 1995.

8. Gaerlan, Samuel H.

Iniluklok ni dating pangulong Duterte bilang 187th Associate Justice ng Korte Suprema noong 2020, nagsimula si Gaerlan sa kaniyang karera bilang lead counsel at executive director ng iba’t ibang pribadong kompanya.

Naging Presiding Judge rin ito ng Municipal Trial Court ng Bangar, La Union mula 1993 hanggang 2001, mula naman taong 2001 hanggang 2004, naging Presiding Judge naman ito ng San Fernando City RTC branch 26.

Taong 2004 hanggang 2009, naging Presiding Judge ito sa Regional Trial Court ng Quezon City branch 92, at naging Associate Justice ng Court of Appeals sa taong 2009 hanggang 2020.

Ilan din sa mga kasong hinawakan ni Gaerlan ay ang pork barrel scam kaso ni Janet Lim Napoles, at ang graft charges na isinampa kay Binmaley ex-mayor Lorenzo Cerezo.

Nakuha ni Gaerlan ang kaniyang Bachelor of Laws degree sa San Beda College noong 1983.

9. Jacinto-Henares, Kim S.

Si Kim S. Jacinto-Henares ay nangungkulan sa politika at buwis ng bansa sa loob ng ilang dekada. Siya ay ang dating komisyuner ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong 2010 hanggang 2016. Siya ang nasa likod ng Revenue Administration Reform Project na pinondohan ng Millenium Challenge Corporation. Siya rin ang nag-representa sa Pilipinas sa Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) Global Forum for Transparency in Taxation.

Si Jacinto-Henares din ay ang dating Senior Private Sector Development Specialist ng World Bank at ang Head of the Secretariat ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa kampanya nito sa pagkapangulo noong 2010.

Sa kasalukuyan, siya ngayon ay nanunungkulan bilang Senior Advisor sa DGA-Albright Stonebridge Group, a founding member of DGA Group, sa Parañaque City.

10. Logan, Anna Liza G. 

Si Atty, Anna Liza Logan ay ang Deputy Executive Secretary for Legal Affairs ng Office of the President (OP). Siya ay may malalim na karanasan sa Civil at Criminal Litigation, Family, Labor, at Human Settlements Adjudication Commission Cases; pati na rin sa corporate and Commercial practice for financial technology companies, real estate entities, at Non-Government Organizations (NGO).

11. Lopez, Mario V.

Si Justice Mario V. Lopez ay ang ika-185 na Associate Justice sa Korte Suprema ng Pilipinas. Bago siya mangungkulan dito, si Lopez ay dating Division Chairman ng Court of Appeals (CA).

Nagtapos siya sa kaniyang Bachelor of Laws degree sa San Beda College of Law kung saan natanggap niya ang parangal bilang “Cum Laude Honor.” Matapos maipasa ang bar examinations, siya ay nanungkulan bilang technical assistant sa opisina ni dating Associate Justice Juvenal Guerrero ng Korte Suprema. Siya rin ay nanilbihan bilang Special Prosecution Officer sa Office of the Ombudsman hanggang siya ay manungkulan bilang Regional Trial Court (RTC) Judge sa Batangas City.

Tinanggap din niya ang parangal na “Chief Justice Ramon Avanceña Award” dahil sa kaniyang husay bilang isang RTC Judge sa bansa.

12. Matibag, Melvin A.

Si Atty. Melvin A. Matibag ay ang kasalukuyang Secretary General ng Partido ng Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP Laban).

Siya rin ay nanilbihan bilang Cabinet Secretary sa Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Nanungkulan din siya bilang general manager sa Manila International Airport Authority at President/CEO sa National Transmission Corporation.

Siya rin ay naging legal instructor sa iba’t ibang unibersidad sa bansa.

13. Musngi, Michael Frederick L.

Si Michael Frederick Musngi ay isang abogado, Associate Justice sa Sandiganbayan, at isang beteranong serbisyo publiko na may dalawang dekadang karanasan sa Ehekutibo at Hudikatura ng bansa.

Siya ay nanilbihan bilang Chairperson ng Court’s Fourth Division noong 2022, simula nang siya ay maging Associate Justice sa Sandiganbayan noong 2016. Mula nang siya ay umupo sa puwesto, ang nasabing dibisyon ay nakakuha ng 148% case clearance rate noong 2024.

14. Remulla, Jesus Crispin C.

Nagsimula sa larangan ng abogasya si Remulla noong siya ay naging private practitioner, isang senior partner sa Remulla and Associates Law Office, bago maging ganap na Provincial Board Member ng Cavite. Siya rin ay naging consultant at Provincial Coordinator ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Carmona Landfill Project.

Siya ay naging assistant secretary sa ilalim ng Office of the President (OP) noong 1998 hanggang 2001, at naging Chief of Staff ng dating Senador Luisa Ejercito Estrada simula 2002 hanggang 2003.

Bago maging kalihim ng Department of Justice (DOJ), siya ay nanilbihan bilang 3rd district representative ng Cavite mula 2004 hanggang 2010. Naging 7th district representative naman siya ng parehong probinsya noong 2010 hanggang 2013.

Nanungkulan din si Remulla bilang gobernador ng Cavite noong 2016 hanggang 2019, 7th district representative muli noong 2019 to 2022, at Senior Deputy Majority Leader ng parehong mga taon.

15. Reyes, Felix P.

Si Felix P. Reyes ay nanilbihan bilang Associate Lawyer sa Plaridel C. Jose Law Office mula 1987 hanggang 1992. Matapos nito, siya ay naging senior lawyer naman sa F.P. Reyes Law Offices mula 1992 hanggang 2000, at naging associate professor sa University of the East (UE) College of Law mula 2016 hanggang 2017.

Noong 2001, siya ay naging Deputy Register of Deeds sa Makati City, Acting Chief sa Land Registration Authority (LRA) Property Division, at Acting Register Deeds sa Madaluyong City. Sa sumunod na taon, siya ay naging Acting Deputy Register of Deeds sa Quezon City at naging Law Division Chief ng LRA.

Mula 2002 hanggang 2005, siya ay nanilbihan bilang Prosecutor II sa Pasay City. Sumunod na taon, naging Presiding Judge naman siya sa Regional Trial Court - Marikina City sa loob ng halos 15 taon. Naging Acting Presiding Judge din siya sa Calamba City mula 2011 hanggang 2013, sa Taguig City mula 2017 hanggang 2019, at sa Lipa City mula Pebrero hanggang Setyembre 2021.

Siya rin ang itinalagang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman ni PBBM noong Mayo 2024.

16. Rodenas, Jayson G.

Si Jason G. Rodenas ay isa sa 17 kandidato para sa posisyon ng Ombudsman. Siya ay ang kasalukuyang Presiding Judge ng Municipal Trial Court ng Daraga, Albay.

17. Turgano, Benjamin (Judge Benjamin D. Turgano 

Si Judge Benjamin Turgano ay nanilbihan sa gobyerno at pribadong sektor.

Siya ay naging university legal counsel ng University of the Philippines (UP) noong termino ni UP President Edgardo J. Angara noong 1981 hanggang 1982. Nanungkulan din siya sa Presidential Commission on Good Governance (PCGG) bilang resident representative at fiscal agent para sa mga probinsya ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, at La Union.

Siya rin ay nagtrabaho sa loob ng 12 taon sa larangan ng litigation, civil, criminal, labor, at admiralty cases. Noong 1996, siya ay napili bilang RTC Judge with general jurisdiction.

Noong 2004 hanggang 2006, siya naman ay nanilbihan sa Korte Suprema ng Pilipinas bilang acting presiding judge ng Special Commercial Court of Manila, Branch 46, at acting presiding judge of the Special Commercial Court ng Angeles at San Fernando, and ng probinsya ng Pampanga.

Naging executive judge din siya ng RTC Ilocos Norte at Laoag City mula 2011 hanggang 2014. Nang sumunod na taon, siya ay nagsilbing acting presiding judge ng RTC Branch 28 sa San Fernando City, La Union hanggang siya ay magretiro noong Enero 31, 2018.

KAUGNAY NA BALITA: Judicial and Bar Council, nagpapa-survey para sa mga aplikante ng Ombudsman

Sean Antonio at Vincent Gutierrez/Balita