December 14, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

‘Justice for Kian!’ Pag-alala sa ika-8 anibersaryo ng pagkamatay ni Kian Delos Santos

‘Justice for Kian!’ Pag-alala sa ika-8 anibersaryo ng pagkamatay ni Kian Delos Santos
Photo courtesy: Kimberly dela Cruz/Sangguniang Laiko ng Pilipinas (Website)

“Tama na po! May test pa ako bukas!” ito ang tumatak na huling salita ni Kian Delos Santos, ang 17-anyos taong gulang na umano’y biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa kasagsagan ng War on Drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, bago ito barilin sa isang eskinita sa Caloocan noong Agosto 16, 2017.

Bilang pangatlo sa 4 na magkakapatid, para sa ina na si Lorenza, si Kian ay isang mapagmahal na anak na noo’y tumutulong sa tindahan, habang ang ina’y naninilbihan bilang domestic worker sa Saudi Arabia.

Para sa mga kaibigan at kapitbahay, si Kian ang “Kengkoy ng Tropa,” kung saan hilig nitong magpatugtog at sumabay sa mga rap malapit sa tabing-ilog sa kanilang lugar.

At sa mga guro naman, si Kian ay isang mabuti ngunit may pagkapilyong bata kung saan malimit sisihin ang traffic sa ilog kapag nahuhuli ito sa klase.

BALITAnaw

BALITAnaw: Si Andres Bonifacio bilang unang biktima ng 'election related violence'

Sa mga taong malapit sa binatilyo, ang memorya ni Kian ay binubuo ng tawanan, soundtrip, pakikipaghuntahan sa tindahan at eskwelahan.

Kung kaya naman, malaking dagok ang brutal na pagkamatay nito sa kamay ng mga otoridad dahil sa kampanya ng nakaraang gobyerno laban sa droga.

Kian Delos Santos Case

Gabi ng Agosto 2017, isa si Kian sa 82 na umano’y pinatay ng mga pulis sa “one time big time” na operasyon sa ilalim ng direktiba ng war on drugs ng administrasyong Duterte na naglalayong ubusin ang mga taong may kaugnayan sa ilegal na paggamit ng gamot.

Tatlong pulis ang hinatulang guilty ng murder matapos ang 6 na buwang trial, kung saan, sila’y pinatawan ng 40 na taon sa kulungan at walang posibilidad ng parole.

Ito’y sina Arnel Oares, Jeremias Pereda, at Jerwin Cruz, kung saan, kanilang binanggit sa mga unang paglilitis na isang drug runner umano ang binatilyo, kasama ang patotoo ng isang arestadong drug suspect at isang umano’y social media intel.

Ayon din sa kanila, tumakbo at nanlaban umano ang binatilyo kung kaya’t napilitan silang barilin ito.

At ayon sa tiyuhin ng binatilyo sa isang ulat, ipinakita sa opisyal na police photograph ang isang .45 kalibreng pistol, 4 na kartutso, at 2 sachet na shabu na na-recover sa katawan nito bilang back-up sa mga pahayag ng mga nasabing pulis.

Ngunit batay sa mga lumabas na ulat, ayon daw sa isang saksi, si Kian ay nasa labas ng isang shop malapit sa kanilang bahay nang 3 kalalakihang nakasibilyan ang kumaladkad dito, kung saan, sapilitan umano siyang binigyan ng baril, at nang kuhanin ito ng binatilyo, doon na siya binaril.

Sa autopsy report ng Public Attorney’s Office (PAO) forensic lab, ipinakitang nagtamo ng 3 sugat mula sa bala ng baril ang binatilyo, isa sa loob ng tainga, isa sa likod ng kaliwang tainga, at isa sa likod na tumagos hanggang sa baga nito, saliwa sa report ng Philippine National Police (PNP) na nagsaad ng dalawang sugat mula sa pamamaril.

Ngunit ang nasabing mga findings ay nagtugma na ang gunman ay nakatayo nang isagawa ang pamamaril habang nakaluhod ang binatilyo.

Dagdag din ng witness na bago ang putok ng baril, sumigaw ang binatilyo bilang pagmamakaawa sa mga kalalakihang kumaladkad dito.

“Tama na po! May test pa ako bukas!” ito ang nagsilbing mga huling salita ni Kian bago ito tuluyang patayin.

Ayon sa Human Rights Watch, si Kian ay isa umano sa mahigit 12,000 na namatay dahil sa “war on drugs,” na inuugnay sa PNP sa ilalim ng administrasyong Duterte, kung saan ang karamihan sa mga ito ay mula sa mga mahihirap na lugar sa bansa.

“War on Drugs” sa administrasyong Marcos Jr.

Sa kasalukuyang administrasyong pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na habang tuloy ang laban sa paggamit ng ilegal na droga, mas magiging mapayapa raw ang kaniyang paghawak dito sa pamamagitan ng mga prevention at rehabilitation program.

“I continue to encourage all the Drug Board authorities, the PDEA authorities, and of course, the police, that we must continue with the war against drugs. But we must do it in a peaceful way,” direktiba ng Pangulo sa mga awtoridad.

Duterte Case sa ICC

Noong Marso 2025, dinakip ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Duterte sa kasong “crimes against humanity” na umano’y naganap mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019, at inaasahang sasailalim sa hearing ng confirmation of charges sa darating na Setyembre 2025.

Kasalukuyang nasa detention facility ng ICC sa The Hague, Netherlands ang dating pangulo.

Sean Antonio/Balita