December 14, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Bakit inaatake pa rin sa puso ang mga taong ‘healthy living?’

ALAMIN: Bakit inaatake pa rin sa puso ang mga taong ‘healthy living?’
Photo Courtesy: Unsplash

Isa ang atake sa puso, myocardial infarction o heart attack na pinakamadalas na sakit sa Pilipinas. Pinatutunayan ito ng tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), na nag-ulat ng mahigit 121,558 na pagkamatay sanhi ng ischemic heart disease noong 2022. 

Ang ischemic heart disease ay isang kondisyon kung saan nahaharangan ang mga coronary arteries o mga ugat sa puso dahilan upang hindi makapagbigay ng sapat na oxygenated na dugo sa mga daluyan ng kalamnan ng puso. 

Ngunit posible nga ba na maranasan mong atakihin sa puso kahit malusog, walang bisyo, o wala kang nakikitang sintomas? 

Ayon sa ulat ng Expanded National Nutrition Survey (ENNS) noong 2023, tinatayang isa (1) sa bawat 10 Pilipino na may edad 20 hanggang 59 ay nakaranas na ng atake sa puso kahit na walang nakikitang palatandaan o sintomas at maituturing na malusog.

Human-Interest

Misis sinimot 13th month pay ni Mister nang walang paalam: ‘May karapatan ako sa pera mo!'

Isa sa mga pangunahing sanhi ng ganitong pangyayari ay ang hypertension o high blood pressure. Ayon sa World Health Organization (WHO), ito ay nararanasan kapag sobrang taas ng presyon ng dugo na dumadaloy sa mga ugat ng puso.

Maaari itong maging asymptomatic at dahan-dahang sumira sa katawan ng isang tao, na posibleng mauwi sa stroke, sakit sa puso, o komplikasyon sa mga daluyan ng dugo.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Doctor Maidenlove R. Paner, nabanggit niyang marami na siyang na-engkwentrong kaso ng mga taong inatake sa puso kahit malulusog naman ang ilan sa mga ito. 

Si Dr. Paner ay isang cardiologist at 14 taon nang nasa serbisyo. Kasalukuyan siyang nasa Manila Medical Center.

“Very common ‘yong may edad. Usually ‘yung 60 years old and above. Pero as early as 40 years old, mayroon na,” saad niya. 

Ayon kay Dr. Paner, may ilang pasyente umanong naipagkakamali ang heart attack bilang ibang sakit dahil sa ibang bahagi ng katawan lumitaw ang sintomas.

“May mga chest pain equivalent kasing sinasabi. ‘Yong iba [ay] nahihirapang lumunok, nagkakaroon ng arm pain, jaw pain, nahihirapang huminga, pakiramdam mo mahihimatay, pinagpapawisan nang malamig [...] ‘Yong iba, nag-aabdominal pain. Akala [ay] sumakit ‘yong tiyan. ‘Yon pala, nagha-heart attack,” anang doktor.

Binigyang-diin niyang hindi naman ibig sabihin na walang nararamdaman ang isang tao at malusog ay ligtas na mula sa atake sa puso. 

“Kunwari nag-eexercise naman ako, hindi naman ako kumakain ng masyadong mamamantika, nagpuprutas naman ako, naggugulay, [at] isda, pero [mayroong] mga hindi nako-control, like genetics,” paliwanag ni Doctor Paner. 

“So kung may lahi ka [katulad ng] nanay mo, tatay mo, o kapatid mo ay nagka-heart attack, puwede. 'Yon, hindi mo mako-control yon[...] Kapag diabetic. Kung hindi controlled yung sugar mo. Hindi mo rin naman kasalanan iyon, e. Lahi din naman, hindi ba? Ang diabetes kasi is related to coronary artery disease,” dagdag pa niya. 

Nabanggit din niya sa panayam na malaki rin ang tiyansa na magkaroon ng heart attack ang isang tao kung ito ay may bisyo, partikular ang paninigarilyo. 

“Kunwari smoker ka, high ang chance mo na mag-heart attack o mag-stroke because of smoking. So nire-recommend namin na dapat hindi ka nagsisigarilyo,” aniya. 

Samantala, sa usapin naman ng stress at pagpupuyat, pinayuhan din ng doctor na bantayan o hangga’t maaari ay resolbahin ang mga pinagdaraanan kaugnay rito. 

“Syempre kapag short 'yong sleep mo, stress ang heart mo kasi wala ka pang pahinga. Ang recommended, at least 10:00 o’clock ay sleep[...] you need to have a rest,” paalala niya. 

Tinukoy rin niya na kailangan umanong maging balanse ang mga pagkain na kinakain natin. 

“Siyempre, dapat kailangang balance. May carbs, protein, and fat. It doesn’t mean naman na super avoid fat. Unless, may target tayong LDL cholesterol level. May level kasi yan. Ang normal usually is target below 100 sa atin. Pero kunwari nag-heart attack ka na, dapat yung LDL cholesterol o yung pag-checheck natin sa dugo ay below 55,” dugtong pa niya. 

Bukod sa mga nauna nang binanggit, inilatag din ni Dr. Paner ang patient education bilang isa pang epektibong paraan upang bumaba ang tiyansang atakhin sa puso ang isang tao. 

“Kung hindi educated o hindi alam ng isang tao kung ano 'yong dapat gawin sa edad niya [...] it is about time to have yourself check,” lahad ni Dr. Paner.

Dagdag pa niya, “Even though you are not feeling anything, kasi you are young, active and strong pero you have risk factors [katulad ng] lalaki, smoker ka. Kailangang alamin mo kung mataas ba yung sugar mo, okay ba ang kidney mo—kasi yon ang magse-save sa iyo.”

Sa huli, nag-iwan ng mensahe si Dr. Paner para sa mga taong naniniwalang hindi sila makararanas ng heart attack dahil sila ay malusog o walang nakikitang sintomas. 

“Hindi ibig sabihin na you do not feel anything, you are okay. Have yourself checked; that is what's important. Kasi, you will never know kung mataas 'yong BP [blood pressure] mo, mataas sugar mo, mataas cholesterol mo, if you do not check it through laboratories,” pagtatapos niya. 

Mc Vincent Mirabuna at Ralph Mendoza/Balita