January 26, 2026

Home BALITA

Residente, nagsumbong kay PBBM dahil sa purwisyong dike sa Bulacan

Residente, nagsumbong kay PBBM dahil sa purwisyong dike sa Bulacan
Photo courtesy: PCO (FB), MB file

Nagpadala ng isang sulat-kamay na liham ang isang hindi nagpakilalang residente para sa Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos nitong bisitahin ang probinsya ng Bulacan ngayong Biyernes, Agosto 15.

Ibinahagi ng Presidential Communications Office (PCO) sa kanilang Facebook post ang hinaing ng residente ukol sa mahinang dike na itinayo sa kanilang lugar, paggamit ng kulang na mga tambak at materyales, pati ang presensya ng water lily na bumabara sa daanan ng tubig.

“Mahal na Pangulo[ng] Bongbong Marcos, ako si _________, may-ari ng lupa na natapatan ng sirang dike, ako ay nanghihingi ng tulong na maayos ang dike sa likod ng bahay ko. Ang pagkakagawa po kasi ng dike na ‘yan ay mahina at maliit lang po ang bakal na binaon sa kahabaan na ginawa na dike,” anang residente sa liham.

"Ang gawa ng dike ang halo po ng semento po niyan ay 15 sako ng graba at 15 sako ng buhangin at dalawang sako ng semento lang po ang timpla ng buhos na ginawa nila diyan, sa bakal naman po na binaon diyan ay limang pirasong 10 feet tapos lalagyan ng isa or dalawang 20 feet na bakal,” dagdag pa nito.

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

Ipinagbigay-alam na raw ito ng residente sa kinauukulan ngunit wala raw itong naging aksyon.

“Wala pa pong isang taon nasabi ko na po sa mga nag-inspection diyan na madami na pong bitak ang dike pero wala naging aksyon,” aniya.

“Kaya minabuti ko pong magpatambak sa tapat ng aking bahay dahil alam ko po na mahina ang gawa ng dike. Kung di ko po nagawa na patambakan po ‘yan, baka tuluyan na pong pumasok ang tubig sa ilog at nakapasok sa bahay ko,” dagdag pa niya.

Alam na rin daw umano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sira ang dike ngunit wala raw itong ginawang aksyon.

Mensahe pa ng hindi nagpakilalang residente, ang baha raw ay umaabot ng halos apat na buwan kung kaya’t nais niyang mapansin ng pangulo ang dulog niyang ito.

“‎Ang baha po dito samin ay tumatagal ng isa hanggang tatlo o apat na buwan bago mawala ang tubig sa mga bahay sa buong Frances. Kung malalakihan po ang Prinza ng bukid, ay sasabay na po ito sa liit ng tubig sa ilog ng Bulacan at Pampanga River. Sana po ay mapansin ito. Salamat,” aniya.

Binisita ni PBBM ngayong Biyernes, Agosto 15, ang ₱77.1-milyong flood mitigation structure na ito sa Barangay Frances sa Calumpit, Bulacan matapos niyang suriin ang ₱96.4-milyong rehabilitasyon ng River Protection Structure sa Barangay Bulusan, na matatagpuan din sa Calumpit, Bulacan.

Matatandaang inilunsad ng administrasyon ang “Sumbong sa Pangulo” website noong Agosto 11 upang personal na mabasa ng pangulo ang hinaing ng mga residente ukol sa flood control projects sa bansa.

Vincent Gutierrez/BALITA