Sinampolan ng Department of Transportation (DOTr) ang driver na pinagmaneho ang batang kandong niya sa sasakyan matapos kumalat sa social media ang kuhang video nito.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon nitong Biyernes, Agosto 15, mahigpit umanong pinagbabawalan ang pagbibigay ng pahintulot sa bata na magmaneho ng sasakyan.
Aniya, “Hindi mo pwedeng pagmanehuhin ‘yung bata mong anak na walang student permit, tapos musmos pa.”
“Kabilin-bilinan ng Pangulo, sumunod na lang tayo sa batas, dahil baka hindi lang license suspension ang abutin mo, pwedeng makulong ka pa,” dugtong pa ni Vizon.
Suspendido ang lisensya ng naturang driver sa loob ng 90 araw dahil sa ginawa nitong paglabag.
Batay sa inilabas na show cause order ng Land Transportation Office (LTO), nangyari umano ang insidente sa parking lot ng isang mall sa Parañaque City noong Martes, Agosto 12.