December 21, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Naratibo sa likod ng 'Balik Tanaw' can ni Francis Nacion

ALAMIN: Naratibo sa likod ng 'Balik Tanaw' can ni Francis Nacion
Photo Courtesy: Ralph Mendoza/BALITA

Ang mga biswal na sining tulad ng pinta ay hindi lang basta binubuo ng mga kulay, linya, at hugis. Mayroon ding mga nakatagong kuwento sa likod nito. Tulad ng “Balik Tanaw” ni Francis Nacion.

Ginamit ang pintang ito ni Nacion bilang disenyo sa limited edition can ng San Miguel Pale Pilsen na inilunsad sa ika-35 anibersaryo nito na ginanap sa ECJ Hall, San Miguel Head Office Complex noong Agosto 13.

Taong 1890 nang unang ipakilala ang beer ng La Fabrica de Cerveza de San Miguel sa pusod ng Maynila. Kalaunan tinawag itong San Miguel Corporation noong 1963.

Sa panayam kay Nacion sa nasabing pagtitipon, pamilya umano ang pinanghugutan niya ng inspirasyon sa “Balik Tanaw.”

Human-Interest

ALAMIN: ‘Required’ ba na magbigay ng 13th Month Pay ang mga kompanya tuwing Holiday Season?

“Hindi ko talaga malilimutan ‘yong time na nabubuhay pa ‘yong lolo ko. Kasi favorite niya talaga ‘yong San Miguel. So parang do’n ko rin nakuha ‘yong title na ‘Balik Tanaw,’” lahad ni Nacion.

Ayon sa kaniya, nang ipinipinta umano niya ang “Balik Tanaw,” gusto niyang maramdaman ng bawat Pilipino makakakita nito ang pagmamalaki sa lahing pinagmulan nila.

“Gusto kong maramdaman nila na nakaka-proud bilang isang Pilipino. Tapos ‘yon nga sinabi ko na do’n sa title na ‘Balik Tanaw,’ gusto ko ring balikan nila ‘yong nakaraan,” sabi ni Nacion.

Dagdag pa niya, “‘Pag nakita nila ‘tong artwork na ‘to parang masarap bumalik sa nakaraan. ‘Yong mga kultura na pinama sa atin ng mga ninuno dapat maipasa rin natin sa bagong henerasyon.”

Bukod dito, ibinahagi rin ni Nacion ang intensyon niya kung bakit pinili niyang hindi lagyan ng detalye ang kalahating mukha ng mga taong nasa “Balik Tanaw.”

Aniya, “Reminder lang ‘yon para sa akin na kailangan nating i-embrace ‘yong imperfections. Hindi lang ‘yan isang mata, pansinin mo ‘yong daliri nila apat lang. Wala ring tenga ‘yan. So, parang tayo. Lahat naman tayo hindi perpekto, e.”

Si Nacion ay ipinanganak sa Aklan noong 1981. Natagpuan niya ang hilig at pagmamahal sa sining sa murang edad. Sa kasalukuyan, 16 na taon na siyang nasa art scene.

KAUGNAY NA BALITA: Kasaysayan at pamana ng San Miguel Pale Pilsen, ikinuwadro sa 'Balik Tanaw' can