Tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na itutuloy ng poll body ang pagdaraos ng voter registration sa Oktubre para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito’y matapos na tuluyan nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maging batas ang panukalang naglalayong ipagpaliban ang December 1 BSKE sa unang Lunes ng Nobyembre 2026.
Ayon kay Garcia, magandang development ito dahil nagkakaliwanag na ang isyu sa pagdaraos ng halalan.
Dagdag pa niya, ang adjustment ng BSKE ay magiging epektibo pa matapos ang 15-araw nang pagkalathala sa mga pahayagan o sa Official Gazette.
Gayunman, maaari pa rin aniya itong kuwestiyunin ng sinuman sa Korte Suprema.
“Alam po natin na kahit ito ay nalagdaan na ng ating Pangulo, ang batas po ay magiging epektibo lamang kapag ito ay na-publish sa newspapers of general circulation o Official Gazette,” ani Garci, sa panayam sa telebisyon nitong Huwebes, Agosto 14.
“At pagkatapos, wala pong makakapigil sa sino man na gustong pumunta sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang legalidad nito,” aniya pa.
Paniniyak naman ng poll chief, “Kung sakali po talaga na hindi na matutuloy ang election sa December 1, kami po ay magre-resume sa October na ito ng taon ng 2025 hanggang next year ng July ng atin pong registration.”
Una nang sinabi ni Garcia na kung ipagpapaliban ang 2025 BSKE ay muli silang magdaraos ng voter registration sa ikatlong linggo ng Oktubre hanggang sa Hulyo 2026.
Kamakailan lamang ay nagtapos na ang 10-araw na voter registration na idinaos ng poll body mula Agosto 1 hanggang 10, kung kailan, halos 2.8 milyong botante ang nagparehistro.