Inilunsad ang limited-edition ng "Balik Tanaw" can ng San Miguel Pale Pilsen sa paggunita ng ika-135 anibersaryo nito na ginanap sa ECJ Hall, San Miguel Head Office Complex nitong Miyerkules, Agosto 13.
Taong 1890 nang unang ipakilala ang beer ng La Fabrica de Cerveza de San Miguel sa pusod ng Maynila. Kalaunan tinawag itong San Miguel Corporation noong 1963.
Kaya naman sa nasabing event, hindi naiwasang imadyinin ni San Miguel Brewery President Carlos Antonio Mayo Berba na natikman din ng mga mahahalagang personalidad sa kasaysayan ang kanilang produkto.
“Imagine, 1890,” saad ni Berba. “Aba, buhay pa si Jose Rizal no’n. Malamang naimbita siya. [...] Kasi ginoogle ko, e. 1892 siya nakulong. E, alta-sosyedad ‘yon. Malamang imbitado ‘yon.”
Dagdag pa niya, “O kaya no’ng nag-independence proclamation party sila noong 1898. Malamang, kasama sa handaan ang San Miguel Beer.”
Bukod dito, ibinida rin ni Berba na mas nauna pa umanong nagawa ang kanilang produkto kaysa mga kagamitang tulad ng TV, radio, at zipper.
Aniya, “If you really think about it globally, what was 1890 then? You know the comforts we’re used to? TV, radio, kotse, wala lahat ‘yan.”
“Even some big technologies. Diesel engine, mga X-ray. [...] Kahit zipper, wala pa. 1891 pa naimbento ang zipper. Ang Pilipinas wala pang kuryente. Pero may San Miguel Beer na tayo,” dugtong pa ni Berba.
Kaya naman sa “Balik Tanaw” ni Filipino visual artist Francis Nacion, tinangka niyang ikahon ang pamana at kasaysayan ng San Miguel Pale Pilsen sa pagi-pagitan ng panahon.
Ang pintang ito ni Nacion ang siyang ginamit ng korporasyon para sa limited-edition can ng San Miguel Pale Pilsen sa ika-135 taon nito.
Ayon kay Nacion, pamilya umano ang pinagkunan niya ng inspirasyon sa “Balik Tanaw.”