Sinita ng Department of Transportation (DOTr)-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ang isang jeepney driver sa Taft Avenue, Pasay City dahil sa agaw-pansing manok na nakapatong sa hood ng kaniyang minamanehong jeep.
Ayon sa tsuper, 10 taon na niya kasama ang manok sa pamamasada, bukod sa ito raw ay pampabuwenas, naaalala raw niya ang kaniyang ina sa manok dahil regalo raw ito sa kaniya.
"Naalala ko 'yong nanay ko kapag kasama ko siya [manok]. Pampabuwenas. Parang gabay ko siya," anang tsuper. "Mahal ko ang manok ko may sentimental value 'yan."
Gayunman, paliwanag ng operatiba ng SAICT, nagkaroon ng paglabag ang tsuper hindi dahil sa manok kundi dahil sa pudpud na reserbang gulong at sirang brake lights.
Ngunit anila, maaaring makasagabal sa paningin ng tsuper ang manok habang nagmamaneho kung kaya't pinatatanggal na nila ito.
Samantala, anim na pampublikong sasakyan ang hinuli at tineketan dahil sa iba't ibang paglabag.
Patuloy rin ang pagsasagawa ng "Random Road Worthiness Inspection” ng DOTr-SAICT sa mga pampublikong sasakyan para sa mga kaligtasan ng mga komyuter.