Ang pagiging guro ang isa sa mga nirerespetong propesyon na lagi’t laging may malaking papel sa kinabukasan ng isang pamayanan.
Silang mga itinuturing na “bayaning buhay.” Silang hindi ipinagdaramot ang sarili para sa hangaring humubog ng henerasyon sa susunod na kukumpuni sa maliliit na turnilyo ng isang malaking sistema ng lipunan sa hinaharap.
Ngunit paano kung ang mga maituturing nating bayani ay maiisip nating tao lang din at may mga pampersonal na pangangailangan? Paano kung tanggalin sa kanila ang karapatang magturo dahil sa isang pagkakamali? Ganito ang sinapit ng isang 60-anyos na lalaking guro sa Okayama City, Japan.
Ayon sa isang pangnasyunal na ulat sa Japan noong Hulyo 27, may nag-report umano sa Okayama City Board of Education tungkol sa isang guro na namataan sa isang convenience store sa Urashiki at nagtatrabaho umano ito doon tuwing Sabado.
Kinumpirma ito ng prinsipal ng pampublikong paaralan na pinapasukan ng guro at sinibak siya sa trabaho bilang “re-hired” teacher.
Mahigpit kasi ang pamahalaan ng nasabing bansa kaugnay sa ganitong gawain. Kinakailangang magtuon ang isang trabahador o propesyunal sa kaniyang primaryang trabaho at hindi na kumuha pa ng ibang pagkakaabalahan upang makapagpokus sila sa kanilang propesyon.
Ngunit paglilinaw sa ulat, wala naman umanong bahid ng pagbababa ng tingin sa trabahong pagtitinda sa isang convenience store. Isa itong marangal at karespe-respetong gawain.
Dekalidad na resulta ang mariing batayan kung bakit kinondena ng kinauukulan nila ang ginawa ng guro. Paliwanag nila, maaari kasing hindi mailaan ng guro ang kaniyang buong kakayahan sa pagtuturo.
Inamin naman umano ng guro na nagtatrabaho nga siya sa nassabing convenience store mula pa noong Nobyembre, 2023.
Ano ang rehiring sa Japan?
Sa Japan, kapag nagretiro na ang isang guro ay maaari pa muli silang makapagturo sa pamamagitan ng tinatawag nilang “rehiring.” Isa itong akto kung saan muling magkakaroon ng oportunidad ang mga retiradong guro upang makapagturo muli ngunit magkakaroon na lamang sila ng mas mababang sahod.
Kung titingin tayo sa kasaysayan ng Pilipinas, malalaman natin na noon pa man ay kilala na ang mga hapon sa kanilang pag-uugali na mapagmahal sa kanilang trabaho. Ibinahagi at itinuro rin ng mga mananakop ang ganitong gawain sa ating mga Pilipino.
Kaya hindi na rin kaduda-duda kung bakit ang isang gurong Hapones, sa panahong kasalukuyan, ay makikitaan pa rin ng kasipagan sa trabaho upang mapunan ang kaniyang pansariling pangangailangan sa kabila ng kaniyang tumatandang edad.
Mc Vincent Mirabuna/Balita