Ang mata, para sa mga doktor, ay tinatawag na “windows to one’s health” dahil ito ang kauna-unahang kinakikitaan ng kondisyon ng buong katawan, ito rin ang sensory organ na nagbibigay sa impormasyon at signal sa utak kung ano ang mga nangyayari sa paligid.
Kung kaya’t sa Pilipinas, binibigyang pagpapahalaga ang pag-aalaga sa mata sa pamamagitan ng “Sight Saving Month” na ginugunita tuwing Agosto bawat taon, batay sa proclamation no. 40 na nilagdaan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay.
Layunin ng proklamasyong ito na itaas ang kaalaman ng publiko sa kahalagahan ng tamang pag-aalaga sa mata para maiwasan ang mga sakit na nagdudulot ng pagkasira o pagkawala ng paningin, kasama rin dito ang mga paggagamot para sa mga naapektuhan na ng komplikasyon at ang importansya ng organ donation.
Dahil dito, ano ba ang mga sakit at komplikasyon sa mata at paano maiiwasan ang mata mula rito?
Katarata o Cataract
Ito ay ang paninigas ng lente sa loob ng mata o sclerosis na nagdudulot ng panlalabo ng paningin.
Ayon sa National Eye Institute (NEI), karaniwang mga sanhi nito ay family history, diabetes, eye injury, paninigarilyo, pag-inom ng alcohol, at UV exposure o labis na exposure sa araw.
Habang wala pang pag-aaral na nagsasabing maiiwasang tuluyan ang katarata, maaaring magkaroon ng lifestyle change para mapababa ang panganib sa pagkakaroon nito tulad ng:
- Healthy diet: Ang mga pagkaing mayaman sa vitamin c (ascorbic acid) at vitamin e ay makatutulong sa pagbagal ng progreso ng katarata.
Pag-iwas sa paninigarilyo: Ayon sa National Library of Medicine (NIH), ang paninigarilyo ay nagsasanhi ng pagkasira ng mga protina sa lente, at ang pag-iwas dito ay maaaring magpatagal ng pagbubuo ng katarata sa mata.
Pag-limit o pag-iwas sa paginom ng alak: Ayon sa mga pag-aaral, ang pagkonsumo ng mga inuming may alkohol ay nagdadahilan ng pagkasira ng mga protina sa mata dahil sa dehydrating ng epekto nito sa katawan.
Pagpapanatili ng balanseng blood sugar level: Isa sa mga risk factor ng katarata ay ang dyabetes dahil ang masyadong mababa o mataas na blood sugar ay nagdudulot ng pagkamaga ng mata, na maaaring mag-uwi sa visual distortion.
Glaucoma
Ito ay isang sakit na sumisira sa optic nerve ng mata, kung saan, ang sanhi nito ay ang pagmumuo ng likido sa loob ng mga mata.
Ayon sa Glaucoma Research Foundation, mayroong dalawang sanhi ng glaucoma, ito ang primary glaucoma at secondary glaucoma.
Ang primary glaucoma ay isang klasipikasyon na wala pang kilalang sanhi, habang ang secondary ay may tinutukoy nang dahilan tulad ng injury o inflammation.
Sa primary glaucoma, ang teorya ng ilang pag-aaral ay sanhi ng elevated eye pressure o mataas na pressure sa loob ng mata dala ng likidong naipon, family history, manipis na kornea, at paglaki o paninipis ng optic nerve.
Dahil kinikilala rin na “Silent Thief of Sight” ang glaucoma, kadalasa’y mapapansin na lamang ang mga sintomas nito kapag nasa advanced stages na, kung saan, malaking bahagi na ng paningin ang nawawala, kung kaya’t mahalagang gawin ang ilang prebensyong ito para maingatan ang mata laban sa sakit na ito:
- Regular eye check-up: Ugaliing pumunta sa doktor bago pa man may maramdaman sa mata para maging maalam sa kasalukuyang kondisyon ng kalusugan ng mata.
- Pagkain na may antioxidants, Vitamin A, C, at B-complex : Ayon sa ilang pag-aaral, ang mga pagkain tulad ng carrots, isda, at prutas na sitrus ay makatutulong sa proteksyon ng mata dala ng mga vitamin at mineral na mayroon ang mga ito.
- Pagsusuot ng eye protection: Ang UV light, o liwanag na galing sa araw ay nakasisira ng retina, kung kaya’t mahalaga na protektahan ang mata sa pagsusuot ng polarized sunglasses.
Pterygium o Pugita
Kilala rin bilang “surfer’s eye,” ang pterygium ay ang nakaangat na hugis triangle na laman na nagsisimula sa dulo ng mata, at kung lalaki ay makaaapekto sa paningin.
Ang itinuturong dahilan nito ay ang matagal na exposure sa UV light at chronic irritation mula sa mainit na klima kasama na rin ang hangin at alikabok.
Kasama rin sa sanhi nito ay ang genetics, Vitamin A deficiency, at Human Papilloma Virus (HPV).
Ang ilan sa mga sintomas nito ay ang conjunctivitis o pamamaga ng matas, pamumula, pagda-dry, at pagtutubig ng mata, at pagkahapdi nito.
Ayon sa Asian Eye Institute, ito ang ilan sa mga maaaring gawin para maiwasan ang Pterygium:
- UV protection sunglasses at sumbrero: Ito ay para mabawasan ang exposure sa araw, bilang ito ang pinaka sanhi ng sakit na ito.
- Regular check-up: Ito ay para maagapan at malaman ang kasalukuyang kondisyon ng mata at ang posibilidad ng maagang sintomas nito.
Conjunctivities o Pink Eye
Ito ay isang bacterial infection na nagdudulot ng pamamaga ng conjunctiva o ang parte na sakop ang puti ng mata.
Ang impeksyon na ito ay nakahahawa ay madaling naikakalat sa pamamagitan ng hand-to-eye transmission.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), kadalasan, ito’y nakukuha sa mga irritant tulad ng mga kemikal, contact lens, loose eyelash, mga polusyon tulad ng usok at alikabok, mga parasite, at fungi.
Dahil ito’y nakahahawa, inaabiso ng CDC ang palagiang paghuhugas ng kamay, pag-iwas sa paghihiraman ng mga gamit tulad ng make-up, eye drops, towel, contact lens, at salamin sa mata.
Kasama rin dito pag-iwas sa pagkusot ng mata dahil maaari rin itong maipasa sa non-infected na mata.
Habang ang ilang sakit at kondisyon sa mata ay hindi tuluyang maiiwasan at hindi pa nahahanapan ng lunas, mahalaga na pangalagaan ito sa abot ng makakaya sa pamamagitan ng healthy lifestyle at regular check-up, dahil 80% ng nadarama ng isang tao ay nanggagaling sa kakayahan makakita, at sa pag-iingat dito, malaki ang posibilidad para sa maayos na pangangatawan hanggang pagtanda.
Sean Antonio/Balita