Wala nang buhay nang matagpuan ang dalawang bangkay ng babae nitong Huwebes ng umaga, Agosto 14.
Malagim na trahedya ang naabutan ng mga residente sa Purok 5, Barangay Salaza, Palauig, Zambales bandang 6:45 ng umaga kanina.
Tumambad umano ang dalawang bangkay ng babae sa water kanal sa tabi ng kalsada sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, agad na rumesponde ang mga awtoridad mula Palauig Municipal Police Station nang makarating sa kanila ang report kaugnay sa nangyari.
Batay sa tumayong testigo sa nangyari, nakarinig umano siya ng mabilis na andar ng saksakyan at sunod-sunod na pagputok ng baril kaninang 3:00 ng madaling araw ngunit hindi niya ito pinansin at bumalik na lamang sa pagtulog.
Saka lamang bumungad sa mga residente ang nasabing mga bangkay pagsapit ng umaga.
Lumabas sa imbestigasyon ng Zambales Police Provincial Office na ang bangkay ng mga babaeng natagpuan sa tabi ng kalsada ay kinilalang sina Ericha Ednalaguim, 24-anyos, residente ng Masinloc, Zambales, at Lengleng mula sa probinsiya ng Tarlac.
Hindi pa nakikilala ang buong pagkatao ng huling biktima.
Natagpuan sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng mga bala ng kalibre 45 na baril, gunting, 15 silag na sachet, flashlight, hikaw, lighter, at iba pa.
Patuloy pa rin ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad sa maaaring tunay na motibo ng pamamaril at pagkakakilanlan ng mga posibleng suspek.
Mc Vincent Mirabuna/Balita