Matagumpay na nasagip ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3 - Central Luzon at Women and Children’s Protection Desk ng Pampanga Police Provincial Office (PPO) ang mga kabataang nasa pangangalaga ng isang inirereklamong care facility sa Mexico, Pampanga.
Makikita sa Facebook post ng DSWD ang naturang pagligtas sa mga kabataang nasa ilalim ng pangangalaga ng New Life Baptist Church of Mexico, Pampanga Inc. (NLBCMPI), sa pamumuno ni Pastor Jeremy Ferguson.
Natuklasan ng ahensiya ang masalimuot na kalagayan ng mga kabataan sa pasilidad, kung saan ang gate ay may barbed wires, ang mga bata ay natutulog nang siksikan, ang mga palikuran ay marurumi, at mga fire hazards na banta sa mga ito.
Pati ang pondo ay maling naipapamahala at ang pasilidad ay may isyu sa registration, license to operate at accreditation
.Napagtanto ring nakaranas umano ang mga kabataan ng physical, verbal, at psychological abuse. Naghain naman ang kalihim ng DSWD na si Rex Gatchalian at ang DSWD FO-3 Regional Director Venus Rebuldela ng Cease and Desist Order laban sa pasilidad.
Hawak na ng Reception and Study Center for Children (RSCC) ang mga kabataan, at siniguradong ligtas na ang mga ito, at dumaan din sila sa isang assessment sa tulong naman ng mga social worker ng DSWD FO-3.
Samantala, naaresto na rin ang pastor at direktor ng nasabing pasilidad.
Vincent Gutierrez/Balita